National Arts Month 2021: Pamana ng mga Imuseño sa mga Imuseño

National Arts Month 2021: Pamana ng mga Imuseño sa mga Imuseño

LUNGSOD ng Imus – Pinasinayaan ng Pamahalaang Lungsod ng Imus, sa pangunguna ni Punong Lungsod Emmanuel Maliksi at ng City Tourism and Development Office (CTDO), ang “Pamana” exhibit at turnover ng Profile of the Significant Cultural Heritage of Imus book sa National Commission of Culture and the Arts (NCCA) noong ika-22 ng Pebrero.

Bahagi ito ng legasiya ni Mayor Maliksi upang mabigyan ng tamang pagkilala at pangangalaga ang mga natatanging yaman ng Imus sa pamamagitan ng cultural mapping, o ang masinsinang pananaliksik ng tangible at intangible cultural assets sa partikular na lugar.

Bahagi rin ito ng selebrasyon ng National Arts Month 2021 na may temang “Alab-sining, Alay-sigla” na naglalayong patuloy na mabigyan ng oportunidad ang mga malikhaing gawain ng mga Filipino sa panahon ng krisis pangkalusugan.

Ipinagdiriwang ang National Arts Month tuwing buwan ng Pebrero alinsunod sa Presidential Proclamation No. 683 na nilagdaan taong 1991.

Sa naganap na programa, ipinabatid ni Mayor Maliksi na espesyal ang pagtitipon dahil ang cultural heritage book ang kauna-unahang pagkakataon upang pormal na maihandog at magsilbing inspirasyon sa mga Imuseño ang kasaysayan at kultura na ipinamana ng kapwa nila mga Imuseño.

Pinasalamatan din ng Punong Lungsod si NCCA Executive Director Al Ryan Alejandro sa lubusang suporta at gabay na ibinigay ng komisyon simula pa noong taong 2016. Habang ipinahayag naman ni Direktor Alejandro ang paghanga nito sa layunin ng pamahalaan na mabigyan ng tamang pansin ang kultural na yaman nito.

Inihandog naman sa exhibit ang ilan sa mga mahahalaga at makasaysayang bahagi ng lungsod, kabilang dito ang Tulay Isabel II, Katedral ng Imus, Gov. D.M. Camerino Elementary School, Bahay ng Palma, Sarao Jeepney, ang bandila ng Veteranos de la Revolucion Departamento de Alapan I, gilingan, barong babae, sungkaan, bakte, at ang one town one product na longganisang Imus.

Naging bahagi rin ng programa ang ribbon cutting ng exhibit, ang audio visual presentation na pinagbidahan ni Imus Got Talent 2019 grand winner Martin Naling, at ang pagkilala sa mga natatanging panauhin. Kasama rin dito sina Provision Tourism Officer Elinia Imelda Rozelle Sangalang, Cecille Gelicame ng NCCA, Edgardo Saquilayan Jr. ng CTDO, at mga kontributor.

Sa tala, mayroong 206 cultural elements ang Lungsod na kinabibilangan ng mga likas na yaman, tradisyon, ekspresyon, kultural na organisasyon, personalidad, kuwento, heritage structures, at iba pa.

Matapos ang proyekto taong 2019, naipasa ang Sangguniang Panlungsod Resolution No. 04-2019-160: A Resolution Approving the Adoption of the 2019 City of Imus Cultural Map, na siya namang tumitiyak ng tamang promosyon at proteksyon sa pagmamay-aring kultural ng Imus.

“Nawa’y magsilbing pamana ang librong ito sa mga susunod pang henerasyon. Nakita ‘ko ang pagbubukang liwayway sa napakarami pang matutuklasan na kayamanan dito sa ating Lungsod ng Imus,” pahayag ni Punong Lungsod Maliksi.

Tunay na pinapahalagahan ng Pamahalaang Lungsod ang pamana ng mga nagdaang panahon. Patuloy din ang pagkilala nito sa mga malikhaing gawain ng mga Imuseño.

35386total visits,420visits today

Add Comment