5th Imus City Business Summit: “Entrepreneurship Beyond the Pandemic”

Matagumpay na ginanap ang ika-limang Imus City Business Summit na may temang “Entrepreneurship and Innovation Beyond the Pandemic” noong ika-30 ng Abril sa pamamagitan ng Zoom at Facebook Live, na pinangunahan ng Imus Local Economic and Investment Promotions Office (LEIPO).

Dito, ibinahagi ng ilan sa mga nangungunang delivery service, online payment application, at commercial bank ang kanilang kaalaman upang matulungan ang mga negosyanteng Imuseño at mga gustong magsimula na makasabay sa makabagong pamamaraan ng pagnenegosyo.

Sa pagsisimula ng pandemya, lubusang nakatulong ang delivery applications sa paghahatid ng mga pagkain at produkto mula sa mga pamilihan gayundin sa mga negosyante patungo sa mga mamimili dahil sa ligtas, madali, at mabilis na pamamaraang hatid ng mga ito.

Sa forum na “Delivering Innovation on Wheels,” nagbigay ng kaalaman ang Foodpanda kung paano nila napapadali ang paghahatid ng mga pagkain. Kasama na rin ang pagtulong sa mga negosyanteng nagsisimula pa lamang sa pamamagitan ng marketing sa kanilang app at ang pagbibigay ng device para sa deliveries.

Samantala, ibinahagi ng Lalamove kung paano nagiging mas mabilis at ligtas na nakakarating ang mga produkto sa mga mamimili sa kanilang makabagong GPS technology at malawakang delivery service gamit ang motor, SUV o truck.

Ipinakilala naman ng Grab ang ilan sa mga serbisyo na mayroon sila katulad ng GrabExpress Madiskarteng Boss Club, kung saan makakatanggap ang mga negosyante ng mga discount, rebate, promo, advertisement, event invites at paraan ng pag-utang sa pamamagitan ng Puhunan Loans.

Ibinida rin ng Grab ang iba pa nilang delivery features na GrabFood, GrabMart, multishop, pabili, at nationwide delivery katuwang ang NinjaVan, isa sa mga nangungunang tech-enabled courier company sa bansa.

Isa rin sa ipinagmamalaki ng nasabing kompanya ang kanilang sariling mobile wallet na GrabPay. Hindi lamang ito ginagamit sa pagbayad ng kanilang mga serbisyo, ngunit pati na rin sa pagbayad ng bills.

Bahagi rin ng forum na “Payment in the Age of Digital Transformation” ang online payment application na PayMaya.

Sa pamamagitan nito, mas mapapadali ang pagtanggap ng bayad at paglipat ng pera sa mga bangko o pag-withdraw nito buhat sa iba’t ibang partnered financial institutions na makikita sa kanilang application. Posible na rin ang cashless at paperless transaction dahil sa digital invoicing, PayMaya manager at payout na nakakapag-monitor ng paglabas at pagpasok ng pera.

Nakakasiguro ring ligtas ang lahat ng mga transaksyon sa GrabPay at PayMaya dahil regulated ito ng Bangko Sentral ng Pilipinas.

Sa usapin naman ng “Innovation and Entrepreneurship,” nagbahagi ang UnionBank kung paano makakalipat ang mga negosyante sa digital world ng pagnenegosyo sa pamamagitan ng UnionBank GlobalLinker, isang online platform para sa mga maliliit na negosyo.

Dito, ibinigay ang mahahalagang kaalaman sa paggamit ng business websites, electronic payment methods, brand identity, consumer convenience at ang kahalagahan ng ratings at reviews. Sa tulong nito, mas magagabayan ang mga negosyante sa makabagong pamamaraan ng pagnenegosyo.

Sa pahayag ni Punong Lungsod Emmanuel L. Maliksi, mahalaga na matulungan ang mga negosyanteng Imuseño at mga nagnanais na magtayo ng negosyo bilang kabilang ang mga ito sa higit na naapektuhan ng pandemya.

Kinilala rin ni Mayor Maliksi ang kontribusyon ng mga negosyo sa ekonomiya at paghahatid ng trabaho sa ating mga kababayan.

Bukod sa mga inisyatibong ito, patuloy ang Pamahalaang Lungsod sa pagsulong ng iba’t ibang mga programa at serbisyo sa pagnenegosyo ngayong nahaharap ang bansa sa matinding krisis pangkalusugan, at para na rin sa tuloy-tuloy na pagnenegosyo ngayong new normal.