6th Imus City Business Summit: Lifting Visionaries towards an Innovative Future

6th Imus City Business Summit: Lifting Visionaries towards an Innovative Future

Idinaos muli sa lungsod ang Imus City Business Summit para sa ika-anim na taon nito, sa pangunguna ng Imus Local Economic Development and Investment Promotions Office (LEDIPO), at kaagapay ang PLDT-Smart, Lalamove, at PayMaya, noong ika-29 ng Abril sa pamamagitan ng online platforms na Zoom at Facebook.

Sang-ayon sa temang “Lifting Visionaries towards an Innovative Future” ng programa, ibinahagi ni Mr. Anthony Pangilinan, isang tanyag na negosyante at personalidad, ang kaniyang positibong pananaw at kaalaman pagdating sa pagnenegosyo.

Ayon kay Mr. Pangilinan, mayroong tatlong hakbang na malaki ang magiging tulong sa mga negosyante at mga nais mag-negosyo. Ito ang “Vision to Reality, ABFx3” formula. Dito, nakapaloob ang tatlong ABF: Accept the Brutal Facts, Anticipate a Brighter Future, at Act with Bold Faith.

Aniya, sa pamamagitan ng pagtanggap sa mga katotohanan sa pagnenegosyo, natutukoy agad ang mga pagsubok na maaaring makaharap, at nagkakaroon ang negosyante ng oportunidad para mas maagang makapaghanda sa mga ito. Dagdag pa ng panauhing tagapagsalita, sa bawat negatibong pangyayari ay mayroong kaakibat na positibong resulta. Kaya’t hindi hadlang ang mga kabiguan sa pagpapatuloy ng mga nasimulan.

Pagdating naman sa usapin na Anticipate a Brighter Future, nagpaalala si Mr. Pangilinan na huwag hayaang balutin ng mga negatibong saloobin ang mga negosyante sapagkat hindi ito makakatulong sa pagpapaunlad ng kanilang mga kabuhayan. Kaniya ring binigyang-diin ang kahalagahan ng pagkontrol sa mga saloobin sa kabila ng mga hindi kaaya-ayang karanasan sa pagnenegosyo.

At upang maisakatuparan ang tagumpay na hinahangad, kinakailangang pumusta, gumalaw, at magdesisyon sa kabila ng kawalan ng katiyakan sa mundo ng pagnenegosyo.

Sa pagtatapos sa kaniyang talakayan, may payo rin si Mr. Pangilinan tungkol sa pagkakaroon ng online presence ng mga negosyo: ito man ay hindi tiyak na hakbang sa tagumpay sa negosyo, malaking tulong ito sa pag-promote ng mga mahuhusay na produkto at serbisyo.

Bilang isa sa mga binigyan ng pagkilala sa 2021 Most Business-Friendly Local Government Unit Awards, patuloy na hinihikayat ni Mayor Emmanuel Maliksi ang mga negosyanteng Imuseño na makiisa sa mga inisyatibo at programang pangkabuhayan ng Pamahalaang Lungsod ng Imus.