Bagong Government Center ng Lungsod ng Imus, para sa mas Malapit na Serbisyong Maliksi

Nakatakda nang buksan sa publiko ang bagong government center ng Lungsod ng Imus sa pagsisimula ng bagong taon. Layunin ng Pamahalaang Lungsod ng Imus sa pamumuno ni Mayor Emmanuel L. Maliksi na higit na mapaganda at mapabilis ang pagbibigay ng mga serbisyo sa mga Imuseño.

Dito, nasa iisang tahanan na ang 72 tanggapan ng gobyerno kabilang ang iba’t ibang frontline services at mga pambansang ahensya gaya ng COMELEC at BIR. 

Itinuturing din na “Eco-Friendly Green Building” ito dahil sa green architecture principles nito gamit ang solar panels, sewage treatment plant, material recovery facility (MRF), at rainwater tank. Layunin nito na mabawasan ang carbon footprint mula sa araw-araw na pagseserbisyo sa mamamayan.

Ang limang palapag na gusali ay tinuturing din na “smart building” sapagkat mayroon itong building management system – isang computer-based operation and maintenance system na nagkokontrol ng mga ilaw at iba’t bang alarm system – elevator system, 500 CCTV surveillance cameras, at mga pasilidad para sa persons with disability (PWD) tulad ng palikuran, daanan, at parking na nakadisenyo para sa kaginhawaan ng pamamalagi sa gusali.

Matatagpuan ang 53,761 m2 na lupain sa Pedro Reyes Street sa barangay Malagasang I-G, habang sakop ng Executive Building ang 32,871 m2 nito. Ang bagong government center ay malapit sa Ospital ng Imus at Imus City Grandstand

Taong 2018 nang inilatag ang plano na magtatag ng bagong government center at sinimulan ang pagtatayo nito noong Marso 2019, ngunit naantala dahil sa pandemya.

Ayon kay Mayor Maliksi, patuloy ang paghahatid ng mas magandang serbisyo sa mga Imuseño kahit pa nahaharap ang bansa sa krisis pangkalusugan.

“Nananatiling paryoridad natin ang pagbabakuna at paglaban sa COVID-19. Pero bukod dito, hindi dapat natin isawalang-bahala ang iba pang programa ng Pamahalaang Lungsod para sa kapakanan ng ating mga kababayan.”

Ang bagong government center ng Imus ay bahagi ng Legacy Projects ni Punong Lungsod Emmanuel L. Maliksi at hangad niyang mapakinabangan ito ng mga Imuseño sa mga darating pang panahon.