Bagong Imus Covid-19 Isolation Facility, Pinasinayaan

LUNGSOD ng Imus – Pinasinayaan noong ika-28 ng Marso 2021 ang Saint Dymphna Isolation Facility, ang bagong Covid-19 Isolation Facility ng Lungsod ng Imus sa Barangay Palico 4.

Ito ay isang pribadong pasilidad na sumailalim sa isang Memorandum of Agreement upang makatulong sa pagtugon ng lokal na pamahalaan sa dumaraming kaso ng Covid-19.

Ang five-storey facility na ito ay may 141 kabuuang bilang ng kwarto na maaaring pansamantalang tirahan ng 584 Covid-19 patients. Sa tala, ito ay mayroong 136 regular rooms para sa apat (4) na katao at 5 family rooms para sa walong (8) katao.

Malaking tulong ang pasilidad upang maihiwalay ang mga kompirmadong kaso na asymptomatic at mayroong banayad na sintomas sa mga kabahayan, at maiwasan ang hawaan dito. Higit ding matututukan ng pamahalaan ang pangangailangang medikal ng bawat pasyente mula sa mga itinalaga nitong local health worker sa nasabing pasilidad.

Kabilang din sa libreng ibabahagi ng pamahalaan ang mga kinakailangang gamot at pagkain ng bawat pasyente na mananatili sa bagong isolation facility.

Kasama sa mga nanguna sa pagpapasinaya dito sina Punong Lungsod Emmanuel L. Maliksi, DOH Regional Development Management Officer IV Dr. Armida Calvelo-Camposagrado, City Administrator Emoy Francisco, City Health Officer Dr. Randy Calingasan, G. Jacky at Bb. Bea Chan na siyang nagmamay-ari ng pribadong pasilidad.

Magiging malaking bahagi rin ang bagong pasilidad upang mabawasan ang bilang ng mga Covid-19 patient na nasa pangangalaga ng ospital. Aniya ni Dr. Calingasan, maaaring maging step-down ang nasabing isolation facility para sa mga positibong pasyente na nasa ospital ngunit wala ng nararamdamang sintomas.

Sa pamamagitan nito, maaaring makatugon ang mga ospital sa iba pang pasyente na nakararanas ng moderate at severe symptoms maging sa mga kritikal na kondisyon na higit na nangangailangan ng agarang serbisyong medikal.

Sa mensahe ni Dr. Camposagrado ng DOH Regional, kumpleto at maagap ang pagtugon ng Imus sa nararanasang pandemya, simula sa pagtatayo ng sariling Covid-19 Testing Facility, pagkakaroon ng Incident Command System at Covid-19 treatment facility hanggang sa pagkakaroon ng sariling isolation facility para sa mga kompirmadong kaso.

Malugod namang pinasalamatan ni Mayor Maliksi ang mag-asawang Chan para sa nasabing pasilidad, at ang lahat ng mga kawani ng Pamahaalaang Lungsod para sa epektibo at maliksing pagtugon sa nararanasang krisis pangkalusugan ng bansa.