Bagong mga Kagamitan para sa Higit na Epektibong Serbisyo ng Ospital ng Imus

Bagong mga Kagamitan para sa Higit na Epektibong Serbisyo ng Ospital ng Imus

LUNGSOD ng Imus – Noong ika-23 ng Oktubre isinagawa ang blessing ng mga bagong kagamitan sa Ospital ng Imus (ONI), Dialysis Center at City of Imus Molecular Laboratory (CIML).

Kabilang sa mga bagong kagamitan sa ONI at Dialysis Center ang karagdagang walong (8) Dialysis Machines, isang (1) CT Scan Machine at Arterial Blood Gas (ABG) Machine.

Sa pahayag ni Punong Lungsod Emmanuel L. Maliksi, isa sa patuloy na tinututukan ng Pamahalaang Lungsod ang kalusugan ng mga mamamayan at kapakanan ng mga health care worker nito. Upang higit na maisulong ang epektibong serbisyo, aniya, nararapat lamang na tutukan at bigyan ng suporta ang ospital na siyang naghahatid ng pangunahing serbisyong medikal, hindi lamang sa lungsod kung hindi maging sa mga karatig bayan din nito.

Sa pagbubukas ng ONI noong taong 2018 iba’t ibang abot-kayang serbisyong medikal ang naihatid sa publiko simula sa medical consultation, laboratories hanggang sa medical operation at emergency cases.

Ngayong nahaharap ang bansa sa isang krisis pangkalusugan, naging maagap din ang pagtugon ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagtatayo ng sariling Covid-19 testing facility nito na opisyal na binuksan noong Hunyo 2020.

Upang mas maparami pa ang maisagawang COVID-19 test, karagdagang apat (4) na machine ang iginawad sa CIML.

Malaking bahagi ang CIML sa agarang pagtugon ng pamahalaan sa mga positibong kaso dahil agad itong naihihiwalay at nabibigyan ng karampatang atensyong medikal.

Naniniwala si Mayor Maliksi na malaking bahagi ang patuloy na pagkakaisa ng Pamahalaang Lungsod at ng mga Imuseño sa positibong resulta ng mga programa ng pamahalaan para sa pagbaba ng mga kompirmadong kaso ng Covid-19 sa lungsod, at sa tuloy-tuloy na pagtugon sa pangangailangang medikal ng mga mamamayan.

Add Comment