Bagong Service Vehicles, Ipinamahagi para sa Maliksing Pagresponde Laban sa Covid-19

OSPITAL NG IMUS – Sa pangunguna ni City Mayor Emmanuel L. Maliksi at City Vice Mayor Ony M. Cantimbuhan, ipinamahagi ang sampung service vehicles noong ika-11 ng Hunyo para sa tuloy-tuloy na pagresponde ng mga tanggapan sa kaso ng Covid-19 sa lungsod.

Nakasentro ang pagresponde ng pamahalaan sa active testing, contact tracing at isolation. Upang epektibong maisagawa ito, kinakailangan ng maayos na transportasyon upang makarating ang mga nakatalagang tanggapan sa bawat lugar sa lungsod.

Dito, inihandog ang tatlong (3) sasakyan sa Vaccination Team, dalawa (2) para sa Swab Team, at bawat isang (1) sasakyan sa City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU), City Health Office (CHO), Ospital ng Imus (ONI), St. Dymphna Isolation Facility, at City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO).

Sa isinagawang blessing at turnover ceremony, ipinahayag ni Mayor Maliksi ang hangarin nito na mapaganda pa ang paghahatid ng serbisyong medikal sa lungsod at makatulong din sa mga karatig pang bayan. Kaniya ring ipinabatid ang pasasalamat sa walang-humpay at walang-kapagurang serbisyo ng mga frontliner kasabay ng mga hamon ng pandemya.

Naging kaisa rin sa pagdiriwang si Development Management Officer Dr. Armie Camposagrado ng Department of Health. Sa kanyang pahayag, ibinahagi niya ang mabilis na pagtugon ng Pamahalaang Lungsod ng Imus sa nararanasang pandemya, mula sa kauna-unahang LGU-initiated Covid-19 testing laboratory sa rehiyon hanggang sa kauna-unahang drive-thru vaccination sa bansa.