Bida ang May Bakuna: Karagdagang Fixed Vaccination Site para sa Manggagawang Imuseño

Bilang isa sa mga nangunguna sa pagbabakuna ang Lungsod ng Imus, nagbukas ang Pamahalaang Lungsod ng karagdagang fixed vaccination site sa Robinsons Place Imus noong ika-23 ng Setymebre sa pangunguna ng City Health Office. Ito ay upang mas mailapit sa mga Imuseño ang bakuna kasabay ng layuning madagdagan pa ang bilang ng mga mababakunahan.

Kaakibat ang Imus Livelihood Economic Investment Promotions Office (LEIPO), una nang tinutukan na mabakunahan ang mga manggagawa na kabilang sa A4 o ang economic frontliners.

Ayon kay Mayor Emmanuel L. Maliksi, mahalaga na maprotektahan ang kalusugan ng mga manggagawa lalo na at malaki ang banta ng Covid-19 sa araw-araw na paglabas sa kani-kanilang mga tahanan.

Ang naturang vaccination site ay matatagpuan sa ika-apat na palapag ng mall malapit sa sinehan. Tumatanggap ito ng mga registered at scheduled na indibidwal simula ika-10 ng umaga hanggang ika-5 ng hapon. Sa Robinsons Place Imus din matatagpuan ang drive-thru vaccination site na parehong pinangangasiwaan ni Dr. Maria Rossini Manesca de Aussen.

Sa kasalukuyan, ang Bida ang May Bakuna campaign ay mayroon na’ng pitong vaccination sites: apat na fixed vaccination sites na kinabibilangan ng Sports Complex, Ospital ng Imus, Maharlika Covered Court, at Robinsons Place Imus; drive-thru vaccination site na kauna-unahan sa bansa; mobile bus vaccination na umiikot sa iba’t ibang lugar; at house-to-house vaccination para sa mga bedridden at walang kakayahang makapunta sa mga vaccination site. Patuloy din ang pag-arangkada ng Philippine Red Cross Cavite Chapter ng Resbakuna Bus katuwang ang Rotary Club Imus at ang Inner Wheel Club of Imus.

Sa pagtatapos ng buwan, umabot na sa 329,633 ang bilang ng mga bakunang naiturok ng Lungsod, 178,749 dito ang nakatanggap ng kanilang unang dose habang 150,884 ang kumpleto na ang bakuna.

Naniniwala si Punong Lungsod Emmanuel L. Maliksi na ang pagkakaroon ng bakuna ang isa sa mga mabisang solusyon laban sa Covid-19. Hikayatin ang bawat isa, magpabakuna kontra Covid-19.