Bida ang may Bakuna: Simulasyon para sa Pagbabakuna ng Pamahalaang Lungsod, Isinagawa

Bida ang may Bakuna: Simulasyon para sa Pagbabakuna ng Pamahalaang Lungsod, Isinagawa

OSPITAL ng Imus – Nagsagawa ng simulasyon para sa COVID-19 vaccination ang Pamahalaang Lungsod sa pangunguna ni Punong Lungsod Emmanuel L. Maliksi, katuwang ang City Health Office at Ospital ng Imus, bilang paghahanda sa nalalapit na pagsisimula ng malawakang pagbabakuna.

Dito, ipinakita ang magiging proseso sa pagbabakuna at ang mga protokol na gagawin sa oras na makaranas ng katamtaman o malalang side effects ang mga babakunahan.

Proseso ng pagbabakuna

Bago maiskedyul para sa bakuna, magkakaroon muna ng assessment ang bawat barangay sa tulong ng health workers.

Sa araw naman ng bakuna, ipapakita muna ang Identification card (I.D.) at ang QR code na natanggap mula sa registration, upang matiyak ang pagkakakilanlan bago mabigyan ng vaccination card at consent form. Ang naturang form ay pipirmahan at ibibigay sa vaccination staff matapos makipag-usap ukol sa mga karagdagang katanungan sa COVID-19 vaccine.

Isasailalim sa physical screening ang babakunahan upang masiguro ang malusog na pangangatawan bago ang aktwal na pagturok na hindi tatagal ng limang minuto.

Kinakailangan namang manatili ng nabakunahan sa observation room sa loob ng 30 minuto hanggang isang oras para matiyak na hindi makakaranas ng katamtaman o malubhang sintomas.

Sa oras na makaramdan ng side effects, may nakaabang na medical staff upang matugunan ng nararapat na atensyong medikal. May nakaabang ding ambulansya para sa sinumang makakaranas ng mga komplikayson.

Ang mga gastusin sa pagpapagamot ay sasagutin naman ng pamahalaan sa pakikipagtulungan sa Department of Health (DOH).

Nakatakdang unahin na mabakunahan ang mga nasa high-risk group na kinabibilangan ng frontline health workers, senior citizens, indigent population, at uniformed personnel.

Kasama rin sa pinaigting na paghahanda ng pamahalaan ang apat na pamamaraan ng pagbabakuna. Ito ay ang fixed vaccination sites, drive-thru vaccination, house-to-house vaccination, at remote vaccination sites upang mas mapabilis at mapadali ang pagbibigay ng bakuna sa mga Imuseño.

Dahil sa mapanganib na epekto ng COVID-19 sa kalusugan ng publiko, maigting na pinapayuhan ang bawat isa na magpabakuna para sa karagdagang proteksyon na hatid nito.

Sa pamamagitan ng COVID-19 vaccines, natuturuan ang katawan na gumawa ng sapat na antibodies panlaban sa virus. Hindi magbibigay ng rekomendasyon ang World Health Organization (WHO) at DOH-Food and Drug Agency (FDA) ng pahintulot kung walang sapat na pag-aaral sa mga bakuna.

Sa panahon ng krisis pangkalusugan, kaligtasan ng bawat isa ay paigtingin, magpabakuna kontra-COVID-19!

Add Comment