#BidaAngMayBakuna: Kahalagahan ng Kumpletong Bakuna

Patuloy na nangunguna ang Imus pagdating sa pagbabakuna. Bagama’t ilang buwan kulang ang suplay ng bakuna na natanggap ng Pamahalaang Lungsod, nakapagtala pa rin ito ng mahigit 300,000 doses na naibigay sa publiko. Kabilang dito ang 178,749 bilang ng mga nakatanggap ng unang dose, samantala 150,884 naman ang fully vaccinated.

Sa tala, humigit kumulang 27,000 ang hindi pa nakakatanggap ng kanilang pangalawang dose. Dahil dito, mariing hinihikayat ni Mayor Emmanuel L. Maliksi ang mga Imuseño na bumalik para sa kanilang pangalawang dose upang makatanggap ng kinakailangang proteksyon laban sa Covid-19.

Inilapit din ang Bida ang May Bakuna campaign sa mga mamamayan sa pamamagitan ng regular na pag-iikot ng mobile bus at Resbakuna Bus ng Philippine Red Cross Cavite Chapter sa iba’t ibang lugar ng lungsod; nagkaroon din ng karagdagang fixed vaccination site sa Robinsons Place Imus bukod sa tatlo (3) pang fixed vaccination site na binubuo ng Imus Sports Complex, Ospital ng Imus, at Maharlika Covered Court; kabilang din dito ang drive-thru vaccination, at house-to-house vaccination para sa mga bedridden at walang kakayahang magtungo sa mga itinalagang vaccination sites.

Bahagi rin ng prayoridad ng Pamahalaang Lungsod na mabakunahan ang Persons Deprived of Liberty (PDL) sa Imus City Jail. Dahil dito, binisita ng Bida ang May Bakuna Team ang mga senior citizen at ang may mga comorbidity upang magkaroon ng karagdang proteksyon ang mga ito.

Sa kasalukuyan, nasa 50% na ng populasyon ng Imus ang may kumpletong doze ng bakuna.

Maraming mga haka-haka ang lumalaganap patungkol sa epekto ng bakuna na nagreresulta sa vaccine hesitancy o ang pag-aalangan na magpabakuna.

Bakit mahalaga na makatanggap ng kumpletong bakuna?

  • Ang proseso ng pagtanggap ng mahigit na isang dose ng bakuna ay tinatawag ng mga immunologist na “prime-boosting.” Dito ay pinapakilala muna ang bakuna sa unang beses na pagturok nito sa katawan, makalipas ang dalawang linggo o higit pa, papalakasin ang abilidad ng resistensya na makagawa ng sapat na antibodies sa pagturok muli ng bakuna o ang pangalawang dose nito. Natuturuan ng bakuna ang katawan kung paano lalabanan ang isang sakit na wala pang kaukulang panlaban dito.
  • Ang Covid-19 vaccine ay hindi natatanging bakuna na may ganitong proseso, ang mga bakuna para sa flu, hepatitis A at B, measles at rubella ang ilan sa mga halimbawa na gumagamit ng prime-boosting.
  • Masasabing fully vaccinated ang isang indibidwal makalipas ang dalawang linggo pagkatapos makatanggap ng pangalawang doze ng bakuna.

Ang banta ng variants of interest gaya ng delta variant ay higit na mataas ang masamang epekto sa kalusugan ng mga hindi pa bakunado. Ang mga variant ng Covid-19 ay nagmula sa mga genetic mutation o ang pagbabago na naganap sa virus dahil sa mabilis at malawak na pagpasa nito sa iba’t ibang tao, kung saan karamihan ay hindi pa bakunado.

Paano makakasiguro na ligtas ang bakuna kung mabilis itong inilabas sa publiko?

  • Ang mga uri ng bakuna laban sa Covid-19 ay ilang dekada nang pinag-aralan ng mga eksperto sa larangan ng medisina. Panibagong pamamaraan man ng paggawa ng bakuna ang mRNA technology, mahigit kumulang na 30 taon naman itong dumaan sa masusing pag-aaral.
  • Dahil sa matinding krisis pangkalusugan ang dinulot ng Covid-19, malaki ang inilaan na pondo ng mga gobyerno sa paggawa ng bakuna.
  • Sumunod pa rin ang mga eksperto sa mga hakbang ng paggawa nito.
  • Inilabas din agad ng China ang genetic information o ang impormasyon ng istraktura ng Sars-CoV-2 sa panimula ng pagsiklab nito.
  • Ang paghahanap naman ng mga volunteer para sa clinical trials ay naging mabilis sa tulong ng social media.

Sa makabagong teknolohiya at hangarin ng mamamayan na mapigilan ang pagkalat ng Covid-19, marami ang nagtulungan upang maprotektahan ang publiko. Tuloy-tuloy ang pagbabantay ng mga eksperto at awtoridad sa mga posibleng problema at hindi magandang epekto ng bakuna sa iba’t ibang indibidwal. Hindi papahintulutan ng Food and Drug Authority (FDA) ang pagbibigay ng bakuna kung mas malaki ang panganib nito sa kalusugan.

Kung ligtas ito, bakit emergency use authorization (EUA) ang ibinigay sa bakuna?

  • EUA ang binibigay sa mga gamot at bakuna na nakapasa sa pamantayan ng FDA ngunit kinakailangan agad gamitin dahil sa emergency situations gaya ng pandemya. Sa loob ng dalawang buwan matapos ito bigyan ng EUA ay babantayan ito nang maigi ng FDA. Pagkatapos ng anim na buwan ay maaari nang mabigyan ng approval ang bakuna na nangangahulugang sapat na ang impormasyong nakalap upang magamit ito nang pangmatagalan.

Bakit pa ko magpapabakuna kung nagkakaroon pa rin ng Covid-19 ang mga bakunado?

  • Karagdagang proteksyon ang hatid ng bakuna sa katawan ng mamamayan. Maraming mga pag-aaral na rin ang nagpatunay ng bisa nito dahil sa kapansin-pansin na pagtaas ng antibodies sa katawan sa pamamagitan ng antibody o serology test ng mga bakunado.
  • Ang breakthrough infections, o ang pagkakaroon ng Covid-19 ng mga kumpleto sa bakuna, ay napatunayan na maiksi lamang ang nararanasang pagkakasakit.

Mas mainam pa rin na mayroong karampatang proteksyon ang katawan laban sa Covid-19 kaysa maharap sa panganib na dulot nito.

Bakit pa ako magpapabakuna kung nagkaroon na ako ng Covid-19? Hindi ba nangangahulugang may proteksyon na rin ako?

  • Ang natural immunity o proteksyon matapos gumaling sa Covid-19 ay wala pa ring malinaw na ebidensya pagdating sa katagalan ng proteksyon na ibinibigay sa katawan. Ngunit, sinasaad ng isang pag-aaral na mas mataas ang tyansa ng pagkakaroon muli ng Covid-19 ang mga indibidwal na hindi bakunado kumpara sa mga kumpleto ang bakuna.

May halo bang magnet o microchip ang bakuna?

  • Tulad ng ibang mga bakuna, gawa sa normal na sangkap ang Covid-19 vaccine. Walang inihalong magnet o metal para magkaroon ng electromagnetic field ang brasong tinurukan. Hindi rin ito nilagyan ng microchip o kahit anong fetal tissue, implants, o tracking devices. Ginawa ang Covid-19 vaccine upang magkaroon ng karampatang proteksyon ang katawan mula sa malalang sintomas at mapigilan ang pagkalat nito.

Marami na ang nakaramdam ng side effects o hindi masamang epekto ng bakuna sa katawan, bakit pa ko magpapabakuna?

  • Hindi matagal ang side effects o ang masamang epekto ng bakuna sa katawan. May kaukulang gamot din ang mga indibdiwal na makakaranas nito. Sasagutin naman ng pamahalaan ang pagpapagamot dito.
  • Mas magiging mapanganib para sa mamamayan kung maliit na porsyento lamang ng populasyon nito ang bakunado. Dahil sa mga bakuna, naiiwasan ang pagdami ng mga variant, pagkakasakit, o pagkamatay mula sa Covid-19.

Bukod sa pagsunod sa minimum public health standards, naniniwala si Mayor Emmanuel L. Maliksi na ang bakuna ang isa sa pinakamabisang solusyon laban sa Covid-19. Imuseño makiisa, magpabakuna kontra Covid-19.