#BidaAngMayBakuna: Kampanya ng Imus para sa Malawakang Pagbabakuna Laban sa Covid-19

Lungsod ng ImusMatapos matanggap ng Pamahalaang Lungsod ng Imus ang unang pangkat ng COVID-19 vaccine nitong Martes, agad na pinangunahan ni Mayor Emmanuel L. Maliksi ang Ceremonial COVID-19 Vaccination noong Miyerkules, Marso 11, 2021 sa Ospital ng Imus (ONI).

Nagdaos ang pamahalaan ng programa na dinaluhan ng mga kawani ng Pamahalaang Lungsod at mga namumuno sa City Health Office at Ospital ng Imus. Kabilang rito sina Vice Mayor Arnel Cantimbuhan, City Health Officer Dr. Randy Calingasan, Chief of Hospital Dr. Edgardo Figueroa, Dr. Cherrie Lyn Boque at Dr. Jennifer Roamar.

Matapos nito, pinangunahan ni Mayor Maliksi ang ceremonial vaccination kung saan binigyang prayoridad ang mga hospital worker ng lungsod. Umabot sa higit isang daan ang mga health worker sa ONI na nabakanuhan. Ito ay personal na inobserbahan ni Mayor Maliksi upang masiguro na nasusunod ang tamang mga hakbang ng pagbabakuna alinsunod sa mga panuntunan ng Department of Health (DOH).

Masusi ang pagsisiyasat sa kalagayan ng mga health worker bago pa man sila bakunahan upang malaman na nasa maayos silang kalusugan.

Sa isang pahayag mula sa kanyang social media, ikinatuwa ng alkalde ang isinagawang pagbabakuna sa mga health workers ng ONI dahil mas kampante nang makapaglilingkod ang mga ito sa kanilang mga kababayan.

Naging malaking tulong din sa tagumpay ng ceremonial vaccination ang puspusang pagsasagawa ng pamahalaang lungsod ng simulation o test run para sa malawakang pagbabakuna noong mga nakaraang araw.

Drive-thru Vaccination Site

Bahagi ng programa ng administrasyong Maliksi sa ilalim ng #BidaAngMayBakuna campaign, ang pagtatayo ng Drive-thru Vaccination sa Robinsons Place Imus.

Sa pamamagitan nito, mas mapapadali at masisigurong ligtas ang pamamahagi ng bakuna sa mga mamamayan.

Upang masiguro na maayos ang implementasyon nito, nagsagawa ang Pamahalaang Lungsod ng simulation kasama ang mga kawani ng DOH at National Task Force Against Covid-19. Kabilang sina Head Executive Assistant Lt. Col. Francel Margareth P. Taborlupa ng Office of the Chief Implementer of the Philippines’ Declared National Policy Against Covid-19, Operations Center Action Officer Lt. Col. Clifford Baco at Special Adviser Dr. Teodoro J. Herbosa ng National Task Force Against Covid-19.

Dito, sasailalim sa apat (4) na proseso ang magpapabakuna: (1) Pre-Registration gamit ang UBE Express App; (2) Registration, counseling and consent, at screening; (3) Vaccination; at (4) Monitoring.

Matatandaang naging maagap din si Mayor Maliksi sa pakikipag-ugnayan sa pambansang pamahalaan at iba’t-ibang mga pharmaceutical company upang masigurong may matatamong bakuna ang lungsod para sa mga mamamayan nito.

Idinagdag pa ni Mayor Maliksi na unang hakbang pa lamang ito sa tuloy-tuloy na pagkilos ng pamahalaang lungsod upang mabigyan ng bakuna ang mga Imuseño.

Tiniyak ng alkalde ang patuloy na #SerbisyongMALIKSI ng kanyang tanggapan upang masigurong makatatanggap ng bakuna ang Lungsod ng Imus, at tuluyan nang maging ligtas ang mga Imuseño mula sa banta ng COVID-19 sa kalusugan ng bawat isa.