#BidaAngMayBakuna: Pagsisimula ng Covid-19 vaccination para sa Pediatric Population

Inilunsad ng Pamahalaang Lungsod ng Imus, sa pangunguna ng City Health Office at ng Ospital ng Imus, ang pagbabakuna sa mga kabataang nasa edad 12 hanggang 17 ngayong Nobyembre.

Sinimulang bakunahan ang mga may comorbidity noong ika-8 ng Nobyembre sa Ospital ng Imus. Ito ay upang agarang matugunan ang pangangailangang medikal kung makakaranas ng masamang epekto dahil sa bakuna.

Sa inisyatibo naman ni Mayor Emmanuel L. Maliksi at sa pakikipagtulungan sa Imus City Schools Division Office naging posible ang pagkakaroon ng vaccination sites sa Imus National High School at Gen. Emilio Aguinaldo National High School, mga pampublikong paaralan sa Imus, na kauna-unahan sa bansa noong ika-22 ng Nobyembre.

Layunin nito na mabigyan ng karagdagang proteksyon ang mga kabataan sa pag-abot ng herd immunity sa bansa at bilang paghahanda sa nalalapit na face-to-face classes.

Matatandaan na inaprubahan ng Philippine Food and Drug Administration (PFAD) ang Pfizer-BioNTech Covid-19 vaccine para sa mga kabataang nasa 12 hanggang 17 taong gulang noong ika-8 ng Hunyo habang ang Moderna naman noong ika-3 ng Setyembre.

Upang makatanggap ng bakuna, kinakailangang mag-register sa website ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na dvas.dict.gov.ph/registration. Ihanda ang mga dokumento na ipapakita pagdating sa vaccination site tulad ng valid ID ng babakunahan at parent o legal guardian at birth certificate, baptismal, o barangay clearance bilang patunay ng legal na ugnayan ng mga ito. Kinakailangang magdala rin ng medical certificate mula sa isang pediatrician ang mga may comorbidity.

Samantala, ang mga legal guardian ng kabataan ay kinakailangang magpakita ng authorization letter mula sa magulang o legal guardian.

Naging matagumpay din ang naganap na National Covid-19 Vaccination Days o Bayanihan Bakunahan noong ika-29 ng Nobyembre hanggang ika-1 ng Disyembre matapos mabakunahan ang 3,036 na mga kabataan.

Ang Bayanihan Bakunahan ay bahagi ng panawagan ng Department of Health (DOH) upang mas mahikayat ang publiko na magpabakuna kontra Covid-19 na bahagi ng paghahanda sa ligtas at malusog na pagdiriwang ng pasko sa Pilipinas.

Sa pagtatapos ng buwan, 19,268 doses ang natanggap ng pediatric population kung saan 107 rito ang nabakunahan ng kanilang ikalawang dose.

Inaasahan ng DOH na maaari na ring bakunahan ang mga batang nasa lima (5) hanggang 10 taong gulang sa susunod na taon. Kaya naman naglalatag na ang DOH ng plano para rito.

Nagsimula namang tumanggap ng booster shots ang medical frontliners (A1), senior citizens (A2), at adult with comorbidity (A3) na anim (6) na buwan na ang nakalipas matapos mabakunahan ng Covid-19 vaccine, at tatlong (3) buwan para sa mga nabakunahan ng Johnson & Johnson’s Janssen. Bukod pa rito, binalikan ng Bida Ang May Bakuna ang mga inmate sa Bureau of Jail and Management Penology (BJMP) – Imus sa pagtanggap ng kanilang ikalawang dose.

Maaari ring makatanggap ng hanggang 30,000 piso ang mga nabakunahan ng Covid-19 vaccine mula Marso hatid ng Imus Bakuna Raffle, at hanggang 20,000 piso para sa mga nagpabakuna noong National Covid-19 Vaccination Days.

Naniniwala si Mayor Maliksi na ang bakuna ang tunay na solusyon laban sa Covid-19. Kaya’t patuloy ang paghikayat ng Pamahalaang Lungsod na mabakunahan ang bawat kabataan dahil sa Imus, bida ang kalusugan ng kabataang Imuseño.