#BidaAngMayBakuna Pedia vaccination para sa mga edad 5 hanggang 11 taong gulang sa Imus, umarangkada na!

#BidaAngMayBakuna Pedia vaccination para sa mga edad 5 hanggang 11 taong gulang sa Imus, umarangkada na!

Nagsimula na sa Lungsod ng Imus ang pagbabakuna laban sa COVID-19 para sa mga batang 5 hanggang 11 taong gulang noong ika-14 ng Pebrero. Pinangunahan ng City Health Office (CHO) at Ospital ng Imus (ONI) ang paglulunsad nito sa mga vaccination site ng ONI na nirerekomenda para sa mga may comorbidity at ang Robinsons Place Imus Cinemas para sa pangkalahatan. Sinundan ito ng pagbubukas ng pedia vaccination sa Imus Sports Complex noong ika-24 ng Pebrero, at noong ika-28 ng Pebrero sa mga paaralan ng Gov. D.M. Camerino Integrated School at Maharlika Elementary School upang mailapit sa mas marami pang kabataan ang bakuna.

Sa huling tala ng CHO, nasa 9,346 batang nasa edad 5 hanggang 11 na ang nababakunahan sa lungsod. Ito ay 15% ng humigit-kumulang na 61,000 ng mga kabataang hangad mabakunahan ng Pamahalaang Lungsod. Sa pahayag ni Mayor Emmanuel Maliksi, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng Pamahalaang Lungsod sa Department of Education (DepEd) Imus na dalhin ang bakuna sa dalawang pampublikong paaralan kada linggo.

Mahalagang mabigyan din ng karagdagang proteksyon ang mga bata kontra COVID-19 lalo na’t nakita ang pagtaas ng bilang ng mga edad 0 hanggang 11 anyos na nagpositibo sa kasagsagan ng Omicron wave Enero ngayong taon, kumpara sa Delta wave noong Setyembre 2021.

Sinisiguro naman ng mga pediatrician na ligtas ang pagbibigay ng Pfizer-BioNTech COVID-19 vaccine sa mga naturang edad, kasabay ng pagtanggap nito ng emergency use authorization mula sa Food and Drug Administration ng Pilipinas.

Mas mababa rin ang ibinibigay na dose sa mga edad 5 hanggang 11 taong gulang, kumpara sa mga nasa edad 12 pataas. Ayon kay Dr. Ferdinand Mina, City Health Officer ng CHO, 10 micrograms lamang ang inirerekomenda sa 5 hanggang 11 anyos, kumpara sa karaniwang 30 micrograms. Ang mararanasang side effects ay tulad din ng mga normal na naitalang epekto sa ibang mga kabataan at matatanda. Ilan sa mga ito ang pagsakit sa bahaging tinurukan, pananamlay ng katawan, pagsakit ng ulo, at pagkakaroon ng lagnat. Magtatagal ang mga sintomas sa loob ng 24 at 48 na oras matapos matanggap ang bakuna.

Sa pinadaling paraan ng pagpapabakuna, hindi na kinakailangan pang mag-register online. Ipakita lamang ang birth certificate ng bata kasama ang ID nito at ng magulang o guardian sa araw na napiling magpabakuna.

Tila naging kids’ party naman ang vaccination sites dahil sa mga pambatang dekorasyon at palamuti dito na inihanda para sa mga bata. Tampok din ang action figures na matatandaang pinagkaaliwan ng mga chikiting sa Imus Plaza nitong Paskuhan sa Imus 2021. Ito ay isa sa mga pamamaraan ng Pamahalaang Lungsod para mahikayat ang mga bata at maibsan ang kanilang takot sa pagpapabakuna.

Nagbigay naman ng payo si Dr. Mina sa mga magulang sa pagkumbinsi sa kanilang mga anak: pukawin ang external rewards sa pamamagitan ng pagbibigay ng paborito nilang pagkain o laruan matapos bakunahan.

Ang hangarin ng Pamahaalang Lungsod ng Imus na mailapit ang karagdagang proteksyon ng bakuna sa mga batang 5 hanggang 11 taong gulang ay bahagi ng paniniwala ni Mayor Emmanuel Maliksi na ang bakuna ang tunay na solusyon tungo sa tagumpay laban sa pandemya.