#BidaSolusyon: Anti-Viral Drug na Molnupiravir para sa mga Imuseño

Noong ika-lima ng Enero dumating ang 1,000 paunang suplay ng Covid-19 antiviral medication na Molnupiravir (Movfor) sa Lungsod ng Imus bilang bahagi ng programa ng Pamahalaang Lungsod laban sa Covid-19.

Sa patuloy na laban ng bansa sa Covid-19, hangad ng Pamahalaang Lungsod ng Imus na makapaghatid ng karagdagang proteksyon sa mga Imuseño.

Maaaring ibigay ang gamot na ito sa mga symptomatic mild to moderate Covid-19 patient na kabilang sa high-risk population o mga indibidwal na may comorbidity at senior citizen.

Libre ang pagbibigay ng Molnupiravir, ngunit binigyang diin ng Imus City Health Office (CHO) na hindi ito ibinibigay nang walang pahintulot o preskripsyon ng doktor. Ang bawat pasyente na binigyan ng naturang gamot ay dumaan din sa isinagawang teleconsult at beripikasyon ng mga doktor sa lungsod.

Compassionate Special Permit (CSP) pa lamang ang ipinagkaloob ng Food and Drug Administration (FDA) ng Pilipinas sapagkat ito ay bagong gamot pa lamang. Matinding pagbabantay din ang ginagawa ng Pamahalaang Lungsod ng Imus upang masiguro ang kaligtasan ng mga pasyenteng umiinom nito.

Hindi rin ito maaaring inumin ng mga batang nasa edad 17 taong gulang pababa, mga nagbubuntis at lactating mothers. Pinag-iingat din ang mga nasa reproductive age o mga taong nagbabalak magka-anak sa paggamit ng naturang gamot.

Ayon sa mga pag-aaral, mabisa ang mga antiviral drug, gaya ng Molnupiravir, upang maiwasan ang pagkakaospital o pagkamatay ng mga nagpopositibo sa Covid-19. Iniinom ito dalawang beses sa isang araw sa loob ng limang araw. Mahalaga rin ang pag-inom nito sa loob ng unang limang araw upang mapigilan ang pagdami ng virus sa loob ng katawan.

Ang Molnupiravir ng Merck & Co., Inc., sa pakikipagtulungan sa Ridgeback Biotherapeutics, ay ang kauna-unahang Covid-19 antiviral drug o gamot laban sa Covid-19 na naaprubahan sa United Kingdom (UK) noong Nobyembre 2021. Nakatanggap naman ito ng emergency use authorization (EUA) sa Estados Unidos noong Disyembre 2021.

Bagama’t CSP pa lamang ang ibinigay dito ng FDA ng Pilipinas, nakatanggap naman ng EUA ang isang brand ng Molnupiravir na Molnarz mula sa Aurobindo Pharma, isang Indian drug manufacturer. Nagbabala rin ang FDA sa ilegal na pagbebenta ng gamot na ito sapagkat malaki ang posibilidad na peke ang mga ito at magdulot ng masamang epekto sa katawan.

Sa isang clinical trial sa Estados Unidos, napatunayan na epektibo ang Molnupiravir laban sa mga variant of concern na Delta, Gamma, at Mu. Sa kasalukuyan, wala pang sapat na ebidensya kung ito ay epektibo sa Omicron.

Nagbigay abiso naman si Prof. William Schaffner, propesor ng infectious diseases sa Vanderbilt University School of Medicine, na hindi ito isang magic pill sapagkat nababawasan lamang nito ang paglala ng epekto ng virus sa katawan ng tao. Ayon din sa follow-up study ng Merck, nakakatulong ang Molnupiravir upang mabawasan ang hospitalization ng 30%, mas mababa sa naunang inilabas na 50%.

Sang-ayon din si Dr. Jaimie Meyer, associate professor ng infectious diseases sa Yale School of Medicine, na hindi ito ang natatanging solusyon laban sa Covid-19 sapagkat ang bakuna pa rin ang pinakamabisa upang maiwasan ang hospitalization.

Naniniwala rin ang Pamahalaang Lungsod ng Imus, sa pangunguna ni Mayor Emmanuel Maliksi, na mainam pa rin ang magpabakuna kontra Covid-19 upang maiwasan ang pagkakasakit at mga komplikasyon na dulot nito.

Add Comment