#BidaSolusyon: Pamamahagi ng Covid-19 Care Kits sa mga Positibong Kaso sa Imus

Sa pangunguna ni Mayor Emmanuel L. Maliksi, binuo ang Expanded Home Mitigation Team noong ika-11 ng Enero na maghahatid ng Covid-19 care kits sa mga Covid-19 positive patient sa Imus upang masiguro ang kanilang maayos na kalagayan at agarang paggaling.

Ang Expanded Home Mitigation Team ay kinabibilangan ng Isolation Team, City Epidemiological Surveillance Unit (CESU), City of Imus Traffic Management Office (CITMO) Riders, at City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO).

Sa ilalim ng serbisyong Maliksi, 400 Imuseño na ang nakatanggap ng Covid-19 care kits noong ika-18 ng Enero.

Ang Covid-19 care kit ng Imus ay nahahati sa tatlong sets ayon sa nararanasang sintomas. Ang unang set ay nakalaan sa mga asymptomatic at naglalaman ng mga bitamina upang lumakas ang kanilang pangangatawan. Ibinibigay naman ang pangalawang set sa mild to moderate symptomatic na may kasamang bitamina at apat na gamot para sa kanilang agarang paggaling. Samantala, ang pangatlong set naman ay para sa moderate to severe cases na kinapapalooban ng mga karagdagang gamot at maaaring naglalaman ng Molnupiravir.

Ang pagbibigay ng Covid-19 care kits ay dumadaan sa masusing proseso. Sa pagtutulungan ng mga barangay, contact tracers, at CESU, nabibigyan ng Isolation Team ang bawat positibong kaso ng mga karampatang gamot. Hinahatid naman ng CITMO riders at CDRRMO ang mga care kit sa bawat bahay para sa mga sumasailalim sa home quarantine.

Bahagi rin ng programa ang mabilisang pagtukoy ng mga positibong kaso sa Lungsod. Dahil dito, maaari na ring mangasiwa ang 97 barangay sa Imus ng Rapid Antigen Test sa pamamagitan ng mga ibinigay na test kits ng Pamahalaang Lungsod.

Dito, ang mga magpopositibo at nakakaranas ng simtomas ay kaagad ituturing na kumpirmadong kaso.

Para kay Mayor Emmanuel Maliksi, mahalaga na matukoy agad ang mga Covid-19 positive sa lungsod at mabigyan ng karampatang tugon.

“Sa ngayon, importante na ating maagapan ang mild cases na hindi lumala. Pag nagbibigay tayo ng gamot, gumagaling agad sila. Nakita talaga natin ‘yung maliksing serbisyo, ‘yung early mitigation at source,” ani ng Punong Lungsod.

Ang pamamahagi ng Covid-19 care kits ay isa lamang sa mga solusyon ng Pamahalaang Lungsod upang mapigilan ang pagkalat ng Covid-19 sa Imus lalo na sa banta ng Omicron variant.

Patuloy pa rin ang mas pinalakas na Bida Ang May Bakuna Campaign. Noon ngang ika-11 ng Enero ay nakamit na rin ng Imus ang herd imunity at nabakunahan ang 85.36% ng target population nito.

Ganoon pa man, patuloy pa rin ang paghikayat ng Pamahalaang Lungsod sa mga mamamayan na sumunod sa minimum public health standards upang mapababa ang bilang ng mga nagpopositibong kaso, at magpabakuna para sa mga hindi pa nababakunahan para sa higit na proteksyon.

Add Comment