Daan-daang Imuseño, nakibuklod sa barangay livelihood skills training ng CICLEDO

Daan-daang Imuseño, nakibuklod sa barangay livelihood skills training ng CICLEDO

Sa paglunsad ng City of Imus Cooperative Livelihood and Entrepreneurial Development Office (CICLEDO) sa serye ng Barangay Livelihood Skills Training nitong Abril, nakiisa ang 600 Imuseñong nais madagdagan ang kanilang kaalaman pagdating sa iba’t ibang kasanayan sa paghahanapbuhay. Isinagawa ang livelihood skills training sa mga araw ng 8, 12, 18, 22, 26, at 29 sa mga barangay ng Espeleta I, Tanzang Luma VI, Alapan I-B, Palico I, Carsadang Bago I, at Malagasang II-A.

Dito, itinuro ang pamamaraan ng paghahanda ng mga pagkain tulad ng atchara, tinapay, pastry, pastillas, takoyaki, dimsum, ice cream at ice scramble, meat processing ng tapa, tocino, longganisa, beef fried tacos, at Filipino native delicacies. Mayroon ding pagsasanay sa paggawa ng mga powder soap, pabango, fabric conditioner at dishwashing; at kung paano gawin ang iba’t ibang recipe ng kape para sa mga nais maging barista.

Bahagi rin ng programa ang talakayan pagdating sa pagtatayo at pagpapatakbo ng mga online business o ang makabagong pamamaraan ng pagnenegosyo.

Sa pamamagitan ng mga kasanayan na ito, nabibigyan ng pagkakataon ang mamamayan na magkaroon ng bago o karagdagang mapagkukunan ng kita.

Isa ang Barangay Livelihood Skills Training sa mga programa ng Pamahalaang Lungsod, sa pamumuno ni Mayor Emmanuel Maliksi, na nagbibigay oportunidad na maitaas ang antas ng pamumuhay ng bawat pamilyang Imuseño.