Delta Variant: Pagtugon at Paghahanda ng Pamahalaang Lungsod ng Imus

Sa matinding banta ng Covid-19 at sa pagpasok ng Delta Variant sa bansa at sa Lalawigan ng Cavite, puspusan ang paghahanda na isinagawa ng Pamahalaang Lungsod ng Imus sa pangunguna ng Anti-Covid-19 Task Force nito kaisa ang partisipasyon ng barangay at mga ospital sa Imus.

Mula sa naganap na pagpupulong ng mga Punong Barangay na nakakasakop sa mga Covid-19 hotspot noong ika-5 ng Agosto, napagkasunduan ang mahigpit na pagpapatupad ng quarantine protocols at posibleng pagkakaroon ng area lockdown kung magpapatuloy ang pagtaas ng kaso ng Covid-19 sa mga nasabing barangay.

Kabilang sa mga hotspot ang mga barangay ng Buhay na Tubig, Anabu 2-B, Pasong Buaya 2, Anabu 2-C, Anabu 2-F, Anabu 2-D, Carsadang Bago 2, Malagasang 1-G, Anabu 1-C, Anabu 1-F, Carsadang Bago 1 at Tanzang Luma 4.

Mas agresibo rin ang pagsasagawa ng contact tracing at testing sa mga nasabing barangay upang maiwasan ang pagkalat ng Covid-19 at pagtaas ng bilang ng mga kompirmadong kaso.

Ang mga magpopositibo sa Covid-19 ay agad ding ipapadala sa Isolation Facility upang maagapan ang hawaan sa bawat kabahayan.

Patuloy din ang pag-ikot ng Mobile Vaccination Clinic sa bawat barangay at pagbabakuna sa mga highly vulnerable sector na naninirahan sa mga Covid-19 hotspot. Bukod sa inisyatibong ito ang pagsasagawa ng house-to-house vaccination para sa mga bedridden at walang kakayahang makapunta sa mga itinalagang vaccination site.

Regular din ang pagpapadala ng food packs at gamot para sa mga nagpositibo sa Covid-19 na nagsasagawa ng home quarantine.

Nananatiling aktibo rin ang mga tanggapan ng Pamahalaang Lungsod ng Imus para sa mga emergency cases at sa agarang pagtugon sa medikal na pangangailangan ng mga mamamayan.