‘E-Jeep Aralan’ ng BL1, gumulong na; Problema sa pagbasa, pagbilang at non-compliance sa LAS, layong matugunan

‘E-Jeep Aralan’ ng BL1, gumulong na; Problema sa pagbasa, pagbilang at non-compliance sa LAS, layong matugunan

Isinulat ni Genesis T. Pasilan

Sa patuloy na pag-arangkada ng bagong normal sa edukasyon sa ilalim ng iba’t ibang learning modalities ay patuloy din ang pagkakadiskubre sa sari-saring problema partikular sa pagkatuto ng mga batang nasa modular distance learning.

Isa na nga rito ang pagkakatuklas sa mga batang hindi nakakukumpleto at nakapagpapasa ng kanilang mga learning activity sheets o LAS sa naunang quarter–madalas ay dahil walang gumagabay sa kanila habang ang ilan naman ay dahil hindi pa pala marunong bumasa.

Kaya naman, upang matugunan ang mga pangangailangang ito ng mga mag-aaral ay agad na inilunsad ng Bayan Luma 1 Elementary School ang proyektong “E-Jeep Aralan” na naglalayong matutukan at mabigyang-gabay ang mga mag-aaral sa pagbasa at pagbilang, gayundin sa pagsagot nila sa kanilang modules at LAS.

Sa pahayag ni Gng. Eden P. Reyes, punongguro, ilalapit umano ang eskwelahan sa mga tahanan ng mga mag-aaral na napabilang sa target beneficiaries ng programa sa pamamagitan ng kaloob na electric jeepney ng pamahalaang lungsod ng Imus na siyang magsisilbing mobile classroom at magiging pangunahing hub ng mga mag-aaral sa paggabay ng mga guro ng paaralan na nagboluntaryong maging mobile teachers.

“Para matugunan at matulungan po natin yung mga bata sa pahanon na ito ng pandemya, lalo na yung mga hindi nakapagpapasa ng LAS at iyong mga na-identify natin na struggling learners, kami na po ang lalapit sa kanila sa pamamagitan ng ating e-jeepney para matutukan po sila lalo sa pagbasa at pagbilang,” ani Reyes.

Dagdag pa niya, sasadyain ng mga guro ang tahanan ng identified struggling learners ng Grade 1 at Grade 2, at one-on-one tutorial naman ang magiging paraan ng mga mobile teachers upang maturuan at magabayan ang mga bata sa pagbasa.

Upang mas mabigyan ng karampatang pagkatuto ang mga mag-aaral sa naturang programa, gagamit ng iba’t ibang reading at solving tools, materials at teknolohiya ang mga guro.

Tatakbo umano ang naturang proyekto sa loob ng apat na buwan mula Enero 25 hanggang Mayo 28, 2021 at ito ay isasagawa tatlong araw kada linggo.

“Nawa’y makatulong ito para matuto talaga sila,” ayon pa sa punongguro na nagkuwentong nabuo ang programa matapos nilang magsagawa ng Focus Group Discussion sa mga piling guro at mga magulang.

Bilang tugon naman sa guidelines at health protocols na ipinatutupad ng Inter-Agency Task Force o IATF, mahigpit na ipatutupad ang pagsusuot ng facemask at faceshield habang isinasagawa ang pagtuturo sa loob ng e-jeep, at magkakaroon din ng available na alcohol ang naturang mobile classroom.

Matatandaang lahat ng 35 pampublikong paaralan sa Lungsod ng Imus ay pinagkalooban ng pamahalaang lungsod ng tig-iisang e-jeepney, bahagi ng green school program na isa sa legacy project ni Mayor Emmanuel L. Maliksi.

Add Comment