E-Jeep BOOKlatan: Brigada Pagbasa sa Panahon ng Pandemya

Sa ikalawang taon ng distance learning modality sa bansa, patuloy ang pagtutok ng Pamahalaang Lungsod ng Imus at Imus City Schools Division Office na mapaunlad ang kakayahan ng mga kabataan lalong higit sa pagbabasa na pangunahing suliranin ng mga mag-aaral.

Dito, inilunsad ang Brigada Pagbasa sa Panahon ng Pandemya. Sa ilalim ng programa, nagsimulang umikot ang E-Jeep BOOKlatan ng Anabu I Elementary School noong ika-4 ng Nobyembre.

Layunin nito na bisitahin ng siyam (9) na guro ang 11 estudyante mula sa iba’t ibang baitang tuwing Biyernes upang matulungan na mapabuti at malinang ang kanilang kakayahan sa pagbabasa.

Ngayong taon, ang konsepto ng Brigada Eskwela ay nakasentro sa bayanihan ng mga magulang at guro upang maitaas ang kalidad ng edukasyon at patuloy na masuportahan ang mga mag-aaral ngayong may pandemya.

Nanawagan din ang DepEd sa mga stakeholder at magulang na mag-abot ng mga kagamitang makakatulong sa pag-aaral ng mga estudyante. Kabilang dito ang mga gadget para sa online class, school supplies, food packs, at mga kagamitan para sa patuloy na pagsunod sa minimum public health standards. Ito ay salungat sa nakasanayang paglilinis at pagbibigay ng mga kagamitang pang silid-aralan noong mga nakaraang taon.

Hinikayat din ni Dr. Rosemarie D. Torres, Imus City Schools Division Superintendent, ang mga magulang at guro na pagtuunan ng pansin ang mga mag-aaral na nahihirapang makisabay sa distance learning, lalo na pagdating sa kanilang pagbabasa dulot ng kawalan ng face-to-face classes.

Matatandaan din na inilunsad ang E-Jeep Aralan ng Bayan Luma I Elementary School noong ika-25 ng Enero hanggang ika-28 ng Mayo, at pinuntahan ang mga mag-aaral na nahihirapan kumpletuhin ang kanilang learning activity sheet o LAS at sagutan ang kanilang mga module.

Ang E-Jeep Aralan at E-Jeep BOOKlatan ay ilan lamang sa mga proyektong naisakatuparan ng mga pampublikong paaralan sa Imus matapos ibahagi ng Pamahalaang Lungsod, sa pangunguna ni Mayor Emmanuel Maliksi, ang 35 E-Jeepney bilang bahagi ng kaniyang legacy project na Green School Program.