Farmers’ Week 2021: Punla ng Pag-asa sa Gitna ng Pandemya

Sa ginanap na Farmers’ Week celebration noong ika-4 ng Oktubre, isang virtual program na pinamagatang “Punla ng Pag-asa sa Gitna ng Pandemya” ang inihanda ng City Agricultural Services Office sa tulong ng Farmers Information and Technology Services (FITS) Center.

Dito ibinahagi ng mga guest speaker ang mga alternatibong paraan ng pagtatanim at mapagkukunan ng karagdagang pagkakakitaan.

Una nang inilahad ni Ms. Desierin Alcantara, Agricultural Technologist ng City Agricultural Services Office, ang kaniyang kaalaman tungkol sa SNAP Hydroponics o ang Simple Nutrient Addition Program Hydroponics.

Ang SNAP Hydroponics ay isang alternatibong pamamaraan ng pagtatanim kung saan tubig at hindi lupa ang gamit. Maaari itong solusyon sa kawalan ng espasyo sa pagtataniman at kakulangan ng sapat na nutrisyon ng lupa. Epektibo rin ito upang makaiwas sa mga pinsala na dulot ng damo, peste, at pabago-bagong panahon sapagkat hindi kinakailangan na direktang naaarawan ang mga pananim.

Gamit ang solusyon na gawa ng University of the Philippines Los Baños – Institute of Plant Breeding (UPLB-IPB), maaari nang makapagtanim ng pechay, letsugas, pipino, kamatis, kangkong, at kinchay sa pansarili at komersyal na gamit. Maaaring makuha nang libre ang mga punla nito sa City Agricultural Services Office.

Ang Hydroponics Technology ay sinimulang gamitin sa bansa noong kapanahunan ng 1980 at kasalukuyang ginagamit sa komersyal na agrikultura sa Cavite. Matatandaan din na Mayo ngayong taon, sinimulan nang gamitin ang 2.6 milyong piso na Hyrdoponics Greenhouse ng Pamahalaang Lungsod sa pakikipagtulungan ng Department of Agriculture Region IV-A.

Pagdating naman sa usaping pang-negosyo, tinalakay ni Ms. Janette Paula Ortiz ang kaniyang kaalaman tungo sa paggawa ng masustansya at masarap na kalabasa cheesecake at vegie embutido. Ipinakita niya rin ang mga hakbang ng paggawa, halaga ng mga sangkap, at ang maaaring kitain sa pagbebenta nito.

Nagbigay din ng suporta sa naturang programa si Mr. Felix Joselito ng Agricultural Program Coordinator Officers (APCO). Binigyang papuri ni Mr. Joselito ang Pamahalaang Lungsod, na pinangungunahan ni Mayor Emmanuel L. Maliksi, dahil sa pagpupursigi nito na maitaguyod ang agrikultura sa Imus kahit na ito ay itinuturing na isang progresibong lungsod. Naghatid din ng suporta sina City Agriculturist Robert Marges at City Councilor Lloyd Emman Jaro bilang Chair ng Committee on Agricultural Livelihood sa pamamagitan ng video messages.

Sa pagtatapos ng programa, 10 maswerteng kalahok ang nakatanggap ng 200 pisong GCash load.

Ang Farmers’ Week ng Pamahalaang Lungsod ay ginugunita tuwing unang linggo ng Oktubre bilang bahagi ng Octoverload. Ilan lamang ito sa mga programa na nakatutok sa mga magsasakang Imuseño upang patuloy na mapaunlad ang agrikultura sa Imus.