Fire Prevention Month 2021: “Sa Pag-Iwas sa Sunog, Hindi Ka Nag-iisa.”

Pinangunahan ng Bureau of Fire Protection (BFP) Imus ang taunang Fire Prevention Month nitong Marso na may temang “Sa Pag-Iwas sa Sunog, Hindi ka Nag-iisa.”

Layunin ng pagdiriwang na paalalahanan ang bawat pamilya na maging maingat at alisto sa lahat ng oras upang makaiwas sa sunog lalo na ngayong panahon ng pandemya.

Alinsunod sa Presidential Proclamation No. 115-A, na nilagdaan taong 1966, itinalaga na Fire Prevention Month ang buwan ng Marso dahil sa pagtaas ng bilang ng mga naitatalang sunog.

Sinimulan ng BFP ang kanilang mga paalala sa pamamagitan ng taunang simultaneous blowing of horns na pinangunahan nina Cavite Provincial Director Supt. Rene Bullos at C/Insp. Glenn Salazar. Sinundan ito ng isang motorcade sa pangunguna ni City Fire Marshal C/Insp. Hazel Olga Delos Reyes.

Upang mapaalalahanan din ang mga kabataan, isinalaysay ni FO2 Lee Roberto Livelo ang istorya na pinamagatang “Si Pipoy at Ang Maliit na Apoy” ni Rommel A. Pamaos sa isinagawang Online Kwentuhan, katuwang ang City of Imus Public Library.

Samantala, nagdaos naman ang BFP Cavite Provincial Office, kasama ang BFP Imus, ng Provincial Road Show for Fire Prevention Month 2021 sa Robinsons Place Imus noong ika-8 ng Marso tampok ang mga firefighting equipment na kanilang ginagamit.

Regular din na nagsasagawa ng Oplan Ligtas na Pamayanan (OLP) On the Road ang BFP Imus ngayong panahon ng pandemya para patuloy na mapaalalahanan ang publiko na mag-ingat sa lahat ng oras.

Sa datos ng BFP, mayroong humigit kumulang na 17,000 sunog ang nagaganap sa bansa sa loob ng limang taon, kung saan nasa pitong milyong piso ang pinsala na nadudulot, 300 ang mga nasawi, at 900 katao ang nasasaktan. Bumaba man ng 16.33% ang kabuuang bilang noong nakaraang taon, marami pa rin ang labis na naaapektuhan at nalalagay sa panganib ang buhay dahil sa banta ng sunog.

Dahil dito, patuloy na magsusulong ang Pamahalaang Lungsod ng Imus, sa pangunguna ni Punong Lungsod Emmanuel L. Maliksi at ng tanggapan ng BFP Imus ng mga programa at mahahalagang impormasyon laban sa sunog at sa matinding pinsala na maaaring maidulot nito.