Fire Prevention Month 2022: Kaisa ang Bureau of Fire Protection Imus

Fire Prevention Month 2022: Kaisa ang Bureau of Fire Protection Imus

“Sa Pag-iwas sa Sunog, Hindi Ka Nag-iisa!” Sa pangalawang pagkakataon simula nang dumating ang pandemyang COVID-19, ito muli ang opisyal na tema para sa pambansang paggunita sa Fire Prevention Month, sa pangunguna ng Bureau of Fire Protection (BFP).

Sa Lungsod ng Imus, pinangunahan ni City Fire Marshal FC/Insp. Jackie Lou Maslang, JD, ang kick-off ceremony sa pamamagitan ng simultaneous blowing of siren kasabay ang motorcade na sinimulan sa Imus Pilot Elementary School noong ika-1 ng Marso.  Sa pahayag ni FC/Insp. Maslang JD, importanteng paigtingin ang pag-iwas sa sunog lalo na sa nararanasang pandemya. Nagbigay rin siya ng mga mahahalagang tips upang maiwasan ang pagkakaroon ng sunog: alamin ang numero ng lokal na fire station; ipaliwanag sa mga nakababatang miyembro ng pamilya na huwag paglaruan ang anumang uri ng apoy; siguruhing nakapatay nang maayos ang mga kalan at nakatanggal sa saksakan ang mga de-kuryenteng kagamitan kung hindi ginagamit; at palagiang suriin ang LPG tank para sa mga tagas.

Tampok din sa pagdiriwang ang iba’t ibang mga programa upang mapalaganap pa sa kamalayan ng publiko ang mga sanhi ng sunog, at mga nararapat gawin kung sakaling maganap ito.

Sinimulan noong ika-4 ng Marso sa Puregold Anabu ang serye ng mga Fire Safety Awareness Seminar at Live Fire Extinguishment Demonstration sa mga barangay at establisimiento sa lungsod.

At tampok si Berong Bumbero, ang opsiyal na maskot ng BFP, una ring nag-ikot ang Oplan Ligtas Pamayanan (OLP) on the Road nitong ika-5 ng Marso simula sa Brgy. Pasong Buaya II, upang paalalahanan ang mga pamilya ng mga alituntuning nakapaloob sa fire safety prevention.

Inilunsad naman noong ika-7 ng Marso ang Kaisa Call-to-Action against Destructive Fire Campaign sa New Government Center ng Lungsod ng Imus kasama si Mayor Emmanuel Maliksi. Bahagi ito ng modernisasyon ng ahensyang BFP tungo sa aktibong partisipasyon ng mga komunidad pagdating sa fire safety sa pamamagitan ng call-to-action initiative.

Ang mga makakapasa bilang Kaisa partner ay makakatanggap ng “Kaisa Star Seal” bilang patunay ng dedikasyon sa pagtataguyod ng fire safety.

Buhat ng BFP Community Relations Week na mayroong temang “Bumbero at Pamayanan, Magkasangga, Nagdadamayan,” nagdaos rin ng Provincial Mall Exhibit at Display of Fire Fighting Equipment sa Robinsons Place Imus noong ika-7 ng Marso, at Fire Drill Demonstration noong ika-9 ng Marso sa mga empleyado ng Vermosa Estate and Ayala Land Estate.

Sa panayam kay BFP Spokesperson Supt. Annalee Carbajal-Atienza, sa buong bansa ay mayroon nang naitalang 2,103 insidente ng sunog ngayong Enero at Pebrero. 12.9% ang itinaas nito kumpara sa 1,863 noong Enero at Pebrero ng nakaraang taon.

Idineklara ng Presidential Proclamation 115-A taong 1966 ang buwan ng Marso bilang Fire Prevention Month. Layon ng taunang pagdiriwang na paalalahanan ang publiko na mag-doble ingat, hindi lamang tuwing buwan ng Marso, kung hindi sa lahat ng oras upang makaiwas sa sunog.

Ang Pamahalaang Lungsod ng Imus, sa pangunguna ni Mayor Emmanuel Maliksi, ay nakikibuklod sa BFP Imus sa pagsulong ng mas ligtas na Imus mula sa sunog at sa pinsala na maaaring maidulot nito. 

Add Comment