Food Packs at Medicine Kits, Ipinamahagi sa mga Covid-19 Patient sa Imus

Bahagi ng patuloy na pagtugon ng Pamahalaang Lungsod ng Imus ngayong pandemya ang pamamahagi ng food packs at care kits sa mga kompirmadong kaso ng Covid-19.

Sa patuloy na pagkakaroon ng mga naitatalang kaso, patuloy din ang pamamahagi ng tulong ng pamahalaan sa mga nagkasakit at pamilya nito habang sumasailalim sa home quarantine.

Ang mga food pack ay inihanda ng Pamahalaang Lungsod sa pangunguna ni Mayor Emmanuel L. Maliksi at ng kaniyang maybahay, Gng. Jelyn Maliksi, at ipinamamahagi naman ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) sa bawat apektadong kabahayan.

Kabilang sa nilalaman ng ipinapamahaging food packs ang bigas, tinapay, instant noodles, delata, gatas, longganisang Imus at gulay mula sa Project Punla ng City Agricultural Services Office bilang suporta sa mga magsasakang Imuseño.

Sa pangunguna ng Ospital ng Imus, nakapagbahagi rin ng medicine kit ang pamahalaan sa mga symptomatic at asymptomatic cases sa lungsod.

Para sa mga nakararanas ng sintomas, ang medicine kit ay naglalaman ng thermometer, Ascorbic Acid, Paracetamol, Butamirate, Levofloxacin, Cefixime at N-Acetylcysteine.

Samantala, nakapagbigay din ng thermometer, Vitamin B Complex, Paracetamol at Ascorbic Acid sa mga asymptomatic case upang tuloy-tuloy na palakasin ang resistansya ng mga apektado ng Covid-19 at agarang gumaling.

Ilan lamang ito sa mga maliksing serbisyo na inihahatid ng Pamahalaang Lungsod sa panahon ng kinakaharap na krisis pangkalusugan.

Add Comment