Galing ng mga Kabataang Imuseño Kinilala sa 6th OK Awards

Galing ng mga Kabataang Imuseño Kinilala sa 6th OK Awards

Maliksing Kabataan Building — Pinarangalan ng Imus Youth Affairs Office (YAO) at City of Imus Local Council for the Protection of Children (LCPC) ang natatanging galing ng 21 kabataang Imuseño sa ika-anim na Outstanding Kabataan (OK) Awards noong ika-27 ng Mayo.

Mula sa 70 na nakilahok at nagpadala ng mga nomination at application, iginawad kay Harry James Nunez ang pinakamataas na pagkilala bilang Supreme Youth Leader of the Year. Si Nunez ay pinagkalooban din ng dalawa pang parangal: ang Youth Services Icon Award at Most Awesome Youth of the Year.

Binigyan din ng pagkilala ang Most Achieved Youth Leader na si Engr. Patrick Jerald Camilon, habang ginawaran din ang tatlong kalahok ng ELM Citation Award: sina Atty. Dulce Bustamante, Atty. Marx Nicholai Delmo, at ang boksingero at olympian na si Eumir Felix Marcial. Tatlong barangay naman ang nakatanggap ng Most Outstanding Sangguniang Kabataan Council Award: ito ang Brgy. Medicion II-B, Brgy. Poblacion I-A, at Brgy. Carsadang Bago I.

Ang mga nanalong kabataan ay nakatanggap ng plaque at cash prize bilang pagpapahalaga sa namumukod-tanging kontribusyon sa kani-kanilang komunidad at paaralan.

Taunang isinasagawa ang OK Awards upang mabigyan ng pagkilala ang husay ng mga Imuseño na edad 8 hanggang 30 taong gulang.

Naniniwala ang Pamahalaang Lungsod ng Imus sa natatanging potensyal ng mga kabataan sa kanilang pagtaguyod sa kinabukasan ng susunod na henerasyon.