Gov. D. M. Camerino Integrated School, Nakilahok sa Limited Face-to-Face Classes ng DepEd

Nakiisa ang Gov. D. M. Integrated School, katuwang ang Pamahalaang Lungsod ng Imus, sa isinagawang pilot implementation ng limited face-to-face classes noong ika-6 ng Disyembre.

Isa ito sa 177 paaralang napili ng Department of Education (DepEd) at isa sa dalawang ekswelahan mula sa City Division ng DepEd sa kalakhan ng CALABARZON.

Kabilang dito ang 12 mag-aaral ng kindergarten na tatlo (3) at kalahating oras mamamalagi sa paaralan, habang apat (4) at kalahating oras naman ang tig-16 na mga estudyanteng nasa ika-isa hanggang ika-tatlong (3) baitang. Hinati sa dalawang (2) pangkat ang mga mag-aaral na magpapalitan kada-linggo sa buwan ng Disyembre.

Sa inilabas na joint memorandum circular ng DepEd at Department of Health (DOH) noong ika-27 ng Setyembre 2021 patungkol sa ligtas na pagbabalik eskwela, pinahalagahan ang paglalaan ng sapat na atensyon  sa mga mag-aaral na nasa kindergarten at grade 1 hanggang grade 3 dahil sila ay nasa edad na maituturing na nangangailangan ng higit na gabay sa kanilang pagkatuto at pakikipagsalamuha sa ibang tao.

Bahagi rin nito ang pagbibigay prayoridad sa mga estudyanteng maituturing na nasa laylayan ng lipunan, indigenous people, at mga nahihirapang makisabay sa online learning modality.

Nagsagawa rin ng safety and readiness assessment ang DepEd at DOH kung saan kabilang dito ang pagkakaroon ng letter of intent, proposed implementation plan, contingency plan, at accomplished  School Safety Assessment Tool (SSAT) ng kasaping paaralan.

Sinigurado naman ng DepEd Imus at Pamahaalang Lungsod na ligtas ang pagbabalik eskwela sa pamamagitan ng pagtatalaga ng handwashing facilities, pagpapaskil ng mga panuntunang dapat sundin, at pamamahagi ng health kits sa bawat batang kalahok mula kay Mayor Emmanuel Maliksi.

Nagkaroon din ng orientation ang mga magulang at guro na kasapi sa pilot implementation. Tiniyak ng Gov. D. M. Camerino Integrated School na lubos na naintindihan ng mga magulang ang mga alituntunin na dapat nilang sundin upang mapanatili ang kaligtasan ng kanilang mga anak.

Samantala tinalakay naman ng mga guro ang mga aspetong kinakailangan nilang tutukan sa pag-aaral ng mga bata, lalo na pagdating sa academic gap na nararanasan ng mga ito.

Nakatakda naman ang malawakang face-to-face classes sa darating na Enero kung saan ay inaasahan ang partisipasyon ng mga mag-aaral na nasa ika-apat (4) na baitang hanggang 12. Nakakatiyak ang bawat Imuseño na muling magbibigay ng lubos na suporta ang Pamahalaang Lungsod sa ligtas na pagbabalik-eskwela.