Halalan 2022: ang mga susunod na lingkod bayan ng Imus

Halalan 2022: ang mga susunod na lingkod bayan ng Imus

Sangguniang Panlungsod Session Hall — Iprinoklama na ng City Board of Canvassers ang mga nahalal na lokal na kandidato sa Lungsod ng Imus noong ika-10 ng Mayo, isang araw matapos ang botohan nitong ika-9.

Humigit-kumulang isang daang-libong Imuseño ang nagluklok sa buong miyembro ng Team AJAA na pinangungunahan ni Kong. Alex “AA” Advincula. Sa kauna-unahang pagkakataon simula nang siya ay maglingkod, uupo bilang Punong Lungsod ng Imus ang Kongresista matapos makakuha ng 153,130 o 90.57% ng boto.

Wagi rin si dating Punong Lungsod at susunod na Pangalawang Punong Lungsod Homer Saquilayan sa 140,443 o 87.46% ng kabuuang boto.

Makakasama nila sa paglilingkod ang 12 konsehal ng Team AJAA. Ito ay sina re-elected Kon. Lloyd Jaro na nakatanggap ng 66.53% ng mga boto; sinundan naman ito ni Kon. Yen Saquilayan sa 63.94% — siya ang pumalit sa kaniyang ama na si Kon. Egay Saquilayan matapos itong pumanaw taong 2021; kabilang din si re-elected Kon. Larry Nato na nakamit ang 61.76%.

Sumunod si Inner Wheel Club of Mutya ng Imus Charter President at Councilor-elect Jelyn Maliksi na mayroong 60.05%; Board Member Dennis Lacson na nakakalap ng 55.16%; Councilor-elect Darwin Remulla matapos makakuha ng 53.62%.

Nakamit naman ni Punong Barangay Mark Villanueva ang 50.99%; na sinundan ni re-elected Kon. Totie Ropeta na mayroong 50.27%; Punong Barangay Sherwin-Lares Comia na nakatanggap ng 50.17%. Bahagi rin si Councilor-elect Atty. Wency Lara matapos makakuha ng 49.59%; si Councilor-elect Enzo-Asistio Ferrer na nakatanggap ng 48.96%; at si Councilor-elect Igi-Revilla Ocampo na nagkamit ng 44.08% ng mga boto.

Irerepresenta naman ni Kon. AJ Advincula ang Lungsod ng Imus sa Mababang Kapulungan ng Kongreso, buhat nang siya ang kaisa-isang kandidato sa pagka-kongresista sa Ikatlong Distrito ng Cavite. Nakakalap siya ng 154,292 boto mula sa mga Imuseño.

At bilang Board Members, makakatuwang sa pagsasagawa ng mga resolusyon at ordinansa sa Lalawigan ng Cavite sina dating Konsehal Shernan Jaro, na nakatanggap ng 113,172 boto, at si Vice Mayor Ony Cantimbuhan, na inihalal ng 113,094 na Imuseño.

Nakatakdang manumpa ang mga bagong halal na lingkod bayan sa tanghali ng ika-30 ng Hunyo 2022.