Higit 24,000 Imuseño, Nakibuklod at Nabakunahan sa Ikalawang Bayanihan Bakunahan

Matagumpay ang naging bayanihan bakunahan o National Vaccination Days tungo herd immunity noong ika-29 ng Nobyembre hanggang ika-1 ng Disyembre, at ika-15 hanggang ika-17 ng Disyembre sa Lungsod ng Imus.

Patunay dito ang 24,492 bilang ng bakuna na naibigay sa ilalim ng Bida ang May Bakuna campaign ng Pamahalaang Lungsod. Kinilala rin ang Imus bilang isa sa mga nangunang magbakuna sa Lalawigan ng Cavite.

Ang Bayanihan Bakunahan ay bahagi ng panawagan ng Department of Health (DOH) upang mas mahikayat ang publiko na magpabakuna at kumpletuhin ang dose nito kontra Covid-19 bilang bahagi ng paghahanda sa ligtas at malusog na pagdiriwang ng pasko sa Pilipinas.

Sa pamamagitan nito, hindi na kinakailangang magparehistro ng publiko bago magtungo sa mga itinalagang vaccination sites. Kinakailangan lamang na magdala ng ID ng mga kabilang sa adult population at vaccination cards kung tatanggap ng pangalawang dose o booster shot. Habang ang mga kasapi sa pediatric population ay kakailanganing ipakita ang kanilang ID at ng kanilang magulang o legal guardian; birth certificate, baptismal, o barangay clearance bilang patunay ng relasyon sa kasamang nakakatanda; at para sa mga kabataang ang kasama ay legal guardian, ipapakita naman ang authorization letter o anumang dokumento na nagpapatunay ng kanilang ugnayan.

Naging kaisa rin ng Bayanihan Bakunahan ang Medical Center Imus (MCI), South Imus Specialist Hospital (SISH), at City of Imus Doctor’s Hospital. Eksklusibo namang binuksan ang Imus National High School at Gen. Emilio Aguinaldo National High School para sa pediatric population upang mas maraming kabataan ang mabakunahan. Ang Community Doctors din ay nakibuklod noong ikalawang pag-arangkada ng bayahinan bakunahan.

Sa unang paglunsad ng National Vaccination Days, 10,581 bakuna ang natanggap ng mamamayan kung saan mahigit kumulang na 6,900 ang nabigyan ng unang dose at 713 bakuna para sa ikalawang dose. Naitala naman ang 3,169 booster shots na naibigay sa publiko.

Samantala, nakapagtala ang pangalawang arangkada ng Bayanihan Bakunahan ng 13,911 bakunang naiturok sa publiko kung saan 2,873 ang tumanggap ng kanilang unang dose, 9,595 para sa ikalawang dose, at nakapagbigay ng booster shots sa 1,443 katao.

Ayon kay Dr. Ferdinand Mina ng City Health Office, mahalaga ang pagbabakuna sapagkat nakakatulong ito upang mabawasan ang tsansa na magkaroon ng malubha at kritikal na kaso ng Covid-19 na nauuwi sa pagpapaospital o pagkamatay.

Hinimok din ni Mayor Emmanuel L. Maliksi ang publiko na magpabakuna at kumpletuhin ang dose nito sa nagdaang raffle draw ng Imus Bakuna Raffle.

Ito ay matapos tukuyin ng World Health Organization (WHO) ang Omicron variant bilang variant of concern o variant na dapat tutukan dahil sa mas mabilis na pagkalat nito kumpara sa Delta. Pinasalamatan din ng Punong Lungsod ang medical frontliners kabilang ang volunteers na naging malaking tulong sa nagdaang Vaccination Days.

Ilan sa mga parangal ang inihandog sa volunteers ay ang early bird award, biggest heart award, helping hand award, most focused award, best effort award, at best volunteer award. Ginawaran din ng certificate of appreciation ang lahat ng volunteers ng Bida ang may Bakuna campaign.

Kasabay din nito ay itinanghal ang mga maswertong indibidwal na nanalo ng Php 20,000 cash prize, Php 5,000 para sa limang katao, at Php 1,000 sa 20 Imuseño na nagpabakuna sa unang round ng Bayanihan Bakunahan.

Bukod pa rito ay inanunsyo rin ang mga nagwagi sa #BidaAngMayBakuna Grand Raffle kung saan ang lahat ng mga nagpabakuna simula Marso 2021 ay nagkaroon ng pagkakataong maiuwi ang Php 30,000 cash prize, Php 10,000 para sa limang (5) winners, Php 5,000 handog sa 10 katao, at 30 naman ang nakapag-uwi ng Php 1,000. Isang mungkahi ni Mayor Maliksi bilang maagang pamasko sa mga bakunadong Imuseño.

Patuloy naman ang siyam (9) na vaccination sites sa pagtanggap ng mga babakunahan. Kabilang na rito ang limang fixed vaccination sites na Imus Sports Complex, Ospital ng Imus, Maharlika Elementary School, Robinsons Place Imus Cinemas, at Buhay na Tubig vaccination site; Drive-thru vaccination sa Robinsons Place Imus; mobile vaccination na nag-iikot sa mga barangay ng Lungsod; at ang house-to-house vaccination para sa mga bedridden na PWD at senior citizens.