Imus Community Plant-Tree: Kumuha kung may Pagtataniman, at Magtanim para sa Kalikasan

Lungsod ng Imus – Noong ika-24 ng Mayo namahagi ang Pamahalaang Lungsod ng Imus sa pangunguna ng City Environment and Natural Resources Office (CENRO) at City Agricultural Services Office ng libreng butong pananim, punla, compost at fertilizer sa isinagawa nitong Community Plant-Tree.

Ang programa ay hango mula sa isinasagawang community pantry sa bansa, kung saan libreng nakakakuha ang mga mamamayan ng kanilang mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain at toiletries. Sa kauna-unahang pagkakataon sa lungsod, ang mga ibinahagi naman sa Community Plant-Tree ay mga kagamitan sa pagtatanim.

Dito, libreng ipinamahagi ang 200 kg compost, 100 packs fertilizers, 313 seedlings kabilang na ang calamansi, kamias, sampaloc, papaya, atis, guyabano at mangga, at 25 kg ng butong pananim kabilang na ang pechay, okra, mustaza, kangkong at upo.

Patuloy man ang kaunlaran at industriyalisasyon sa lungsod, malaki pa rin ang pagpapahalaga ng pamahalaan sa pagtatanim at pangangalaga sa kapaligiran.

Nasasailalim sa mga programa nito para sa pangangalaga ng kapaligiran ang Green Schools Program. Sa ilalim ng prograamng ito, namahagi ang pamahalaan ng solar panels, rain water harvesting system, sewerage treatment plant (STP) at e-jeepneys sa mga pampublikong paaralan sa lungsod.

Sa tulong nito, bumaba ang konsumo ng kuryente, tubig at gasolina ng mga paaralan, at naturuan din ang mga mag-aaral ng iba’t ibang pamamaraan upang mapangalagaan ang kapaligiran.

Bukod sa inisyatibong ito, patuloy din ang Pamahalaang Lungsod sa libreng pamamahagi ng mga butong pananim at punla sa mga Imuseño. Isinusulong din ng lokal na pamahalaan ang organikong pagtatanim upang makaiwas sa anumang mapaminsalang kemikal sa mga pananim na gulay at prutas.

Isa sa mga isinagawang programa ang Project Punla, kung saan bahagi ng mga naani na pananim na gulay ay ipinapamigay sa mga Covid-19 patients maging ang mga nasakang bigas.

Sa kinakaharap na krisis pangkalusugan ng bansa, malaki ang bahagi ng pagtatanim para sa tuloy-tuloy na suplay ng pagkain ng mga mamamayan habang nasasailalim sa community quarantine.