Imus, Iwagayway: Sunod-sunod na mga Parangal, Iginawad sa Lungsod

Imus, Iwagayway: Sunod-sunod na mga Parangal, Iginawad sa Lungsod
  • Lungsod ng Imus, Apat na Beses na Platinum Awardee sa MBCRPP 2021 Compliance Assessment

Pormal na pinarangalan ang Pamahalaang Lungsod ng Imus ng Platinum Award sa ika-apat na pagkakataon bilang 2nd Best sa kalakhang CALABARZON noong ika-14 ng Pebrero. Ang paggawad na ito ay mula sa Manila Bay Clean-Up, Rehabilitation and Preservation Program (MBCRPP) Local Government Units Compliance Assessment ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Bahagi ito ng patuloy na pakikibuklod ng lungsod sa pangangalaga sa Manila Bay, sa pamamagitan ng mga programa at panuntunan na makakatulong upang mapanatili ang kaayusan at kalinisan sa kapaligiran. Ilan sa mga programang ipinapatupad ay ang solid waste management na kinabibilangan ng BasuRaffle, eco-bricks, cleanup drives, at composting; at ang pagkakaroon ng sewerage treatment plant (STP) sa mga pamilihang bayan, slaughterhouse, Ospital ng Imus, pampublikong paaralan, at iba pang mga establisimiento.

Naging posible ang tagumpay na ito sa pangunguna ng Manila Bay Task Force ng Imus na kinabibilangan ng City Environment and Natural Resources Office (CENRO), City Engineering Office, City Planning and Development Office (CPDO), Office of the Building Official, City Health Office (CHO), at Business Permits and Licensing Office (BPLO) sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Emmanuel Maliksi.

  • Third Placer sa Kaunlarang Pantao Awards 2022 ng Commission on Population Development (POPCOM) CALABARZON

Tagaytay, Laguna – Kinilala bilang 3rd placer ng Commission on Population Development (POPCOM) CALABARZON ang Pamahalaang Lungsod ng Imus sa Kaunlarang Pantao Awards 2022, sa Search for Outstanding Local Government Units in Advancing the Population and Development (POPDEV) Program during the COVID-19 Pandemic, noong ika-4 ng Marso. Ipinagkaloob ito sa Lungsod dahil sa epektibong pagpapatupad ng programang Responsible Parenthood and Family Planning (RFFP) na nakapaloob sa Philippine Population and Development Program ng POPCOM. Sa pangunguna ng City Population and Development Office, nagabayan ang mga magkabiyak sa angkop na pagpaplano sa pagbuo ng pamilya upang mapunan nang tama ang mga pangangailangan nila at ng kanilang mga anak.

  • Most Innovative Award mula sa Umalokohan Awards ng Department of Health

Pasay, Manila – Sa ginanap na kauna-unahang Umalokohan Awards o CALABARZON Golden Jab Awards, iginawad sa mga kasapi ng Bida ang May Bakuna, ang opisyal na programa ng lungsod para sa pagpapabakuna laban sa COVID-19, ang Most Innovative Award noong ika-9 ng Marso.

Para kay Mayor Emmanuel Maliksi at mga kasama, ang parangal na ito ay patunay sa mga bunga ng malikhain at makabagong pamamaraan ng Pamahalaang Lungsod para sa layuning ilapit ang bakuna sa bawat pamilyang Pilipino.

Ang Lungsod ng Imus ang nanguna sa buong bansa sa pagkakaroon ng drive-thru vaccination, paggamit ng mobile bus, at pagkakaroon ng vaccination drives sa mga pampublikong paaralan.

Add Comment