Imus, MBCRPP 2020 Compliance Assessment Triple Platinum Awardee

Sa isinagawang Manila Bay Clean-Up, Rehabilitation and Preservation (MBCRP) Program Local Government Units Compliance Assessment ng Department of the Interior and Local Government (DILG), kinilala ang Lungsod ng Imus bilang Triple Platinum Awardee para sa taong 2018, 2019 at 2020.

Opisyal na iginawad ang mga pagkilala noong ika-28 ng Mayo kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng mga Watawat sa Imus Heritage Park sa pangunguna ng mga kawani ng DILG Provincial Office.

Ang pagkilalang ito ay nangangahulugan sa pagkakaroon at pagpapatupad ng magandang programa at adhikain ng Pamahalaang Lungsod, gayundin ang pagsunod nito sa mga itinakdang panuntunan ng mga ahensya ng gobyerno para sa kaayusan at kalinisan ng kapaligiran.

Sa pahayag ni Punong Lungsod Emmanuel L. Maliksi, lubos ang kanyang pasasalamat sa bawat isa na aktibong nakibahagi sa mga isinasagawang programa at ipinapatupad na panuntunan ng pamahalaan.

“Tagumpay ito ng mga kasama natin mula sa mga eco-aide, mga barangay officials,  ang Sangguniang Panglunsod, lahat ng Department Heads, Manila Bay Task Force, at ang CENRO. Ipinagmamalaki ko, kasama ang lahat ng mga nakatuwang natin sa inisiyatibong ito, ang karangalan na ito na para sa mahal nating Imus,” pahayag ni Mayor Maliksi.

Mula taong 2018, umani na ng karangalan ang Imus sa maliksing pagsasagawa nito ng mga programang pangkalikasan.

Kabilang dito ang mga inisyatibo nito sa solid waste management tulad ng Eco-Caravan, BasuRaffle, Tindahan ni Kapitan, pagbuo ng eco-bricks at iba pang kapaki-pakinabang na kagamitan gamit ang mga nakokolektang residual waste.

Malaki rin ang bahagi ng mga programa nito sa liquid waste management upang masiguro ang pagkakaroon ng malinis at maayos na daloy ng tubig sa mga ilog, sapa at kanal. Kabilang dito ang pagkakaroon ng Sewerage Treatment Plant (STP) sa mga paaralan at mga pampublikong pasilidad tulad ng pamilihang bayan, slaughter house at pampublikong ospital.

Bukod sa Triple Platinum Award, ginawaran din ng pagkilala ang Imus para sa pagkakaroon nito ng 100% rating sa LGU Initiated Clean Up Drive at Barangay Weekly Clean Up Drive.

Patunay lamang ito sa tuloy-tuloy na Serbisyong Maliksi ng pamahalaan tungo sa maayos at malinis na kapaligiran.