Imus, Patuloy na Nangunguna sa Pagbabakuna sa Cavite

Sa patuloy na paglaban ng Lungsod ng Imus sa COVID-19, nanatiling una ito sa buong Lalawigan ng Cavite sa pagbabakuna mula sa mga suplay na ibinaba ng  national government.

Ayon sa National Task Force (NTF) against COVID-19, umabot sa 2,999 ang Average Capacity Jabs ng Imus, kasabay nito ang paglagpas sa daily vaccination target na 3,480 matapos umabot sa 6,086 na indibidwal ang naturukan noong huling Huwebes ng Hunyo. Pumangalawa naman ang Imus sa kabuuan ng CALABARZON na pinangunahan ng Antipolo na may pinakamataas na bilang nang pagbabakuna.

Sa pagtatapos ng Hunyo, umabot sa 69,613 doses ang naiturok sa publiko, habang 123,000 indibidwal ang nakarehistro sa scheduling app nito mula nang umpisahan ang Bida ang may Bakuna (#BidaAngMayBakuna) Campaign nitong Pebrero.

Sa kasalukuyan, patuloy ang vaccination rollout ng Pamahalaang Lungsod sa mga indibidwal na kabilang sa A1 hanggang A5 category o ang indigent population, alinsunod ito sa prioritization framework for COVID-19 vaccination ng Department of Health (DOH).

Sa kabila ng malaking porsyento ng pagtanggap ng mga Imuseño sa bakuna at magandang datos na nagpapakita ng malaki at mabilis na kapasidad ng Imus sa pagbabakuna, nananatiling suliranin ng Pamahaalang Lungsod ang kakulangan sa suplay ng bakuna sa Imus. Dahilan ito upang magkaroon ng pagkaantala sa pagbibigay ng bakuna sa mga nakapagrehistro at mga nais magpabakuna.

Patuloy din ang panawagan ni Mayor Emmanuel L. Maliksi sa DOH para sa karagdagang suplay upang makasabay ito sa malaking kapasidad ng lungsod sa pagbabakuna. Sa inilunsad na kampanya ng Pamahalaang Lungsod ng Imus, nakapaloob dito ang apat (4) na pamamaraan ng pagbibigay ng bakuna: tatlong (3) fixed vaccination sites na binubuo ng Ospital ng Imus, Imus Sports Complex at Maharlika Elementary School; drive-thru vaccination site na kauna-unahan sa buong bansa; mobile vaccination clinic kung saan umiikot ang mobile bus sa iba’t ibang lugar sa lungsod; at ang house-to-house vaccination para sa mga bedridden at walang kakayahang makapunta sa mga itinalagang vaccination site.

Sa panahon ng krisis pangkalusugan, nais ng Pamahalaang Lungsod ng Imus mula sa mga programa nito, na paigtingin ang pangangalaga sa kalusugan ng bawat isang Imuseño at hikayatin ang bawat isa na magpabakuna laban sa COVID-19.