Imus, sa Gitna ng Pandemya

Sa patuloy na pagtaas ng kaso ng Covid-19 sa bansa, kabilang ang Lungsod ng Imus sa mga higit na naapektuhan – mula sa mga nagsarang negosyo, limitadong transportasyon, mga nawawalan ng trabaho at pinagkakakitaan hanggang sa limitadong supply ng mga pangunahing pangangailangan.

Marso 2020, unang naitala ang unang kaso ng Covid-19 sa Cavite at sa Lungsod ng Imus. Mula sa mahigit 8,000 confirmed cases sa lungsod sa kasalukuyan, nananatiling una ang Imus sa paglaban sa Covid-19 sa tulong ng aktibong contact tracing, agarang isolation at serbisyong Maliksi mula sa pamamahagi ng relief goods, pagbibigay ng trabaho, kabuhayan, at tulong sa mga negosyo, pangangalaga sa seguridad, paghahatid ng karagdagang transportasyon,pamamahagi ng pangunahing pangangailangan, pangangalaga sa kalinisan, pagsuporta sa edukasyon, at pagpapatatag ng sektor ng kalusugan:

Hunyo 2020, binuksan sa publiko ang kauna-unahang Local Government Unit initiated Covid19 Testing Facility, ang City of Imus Molecular Laboratory. 

Sa pagbubukas nito, mabilis na natutukoy ang mga kompirmadong kaso at nabibigyan ng agarang serbisyong medikal. Naging malaking tulong din ito sa mga karatig bayan ng Imus.

Taong 2021, matapos ang matagumpay na pagsulong ng mga programa at sa unti-unting pagtanggap sa new normal, ramdam ang pagbabago at pag-asa sa Imus kasabay ng pagsisimula ng malawakang kampanya sa pagpapabakuna – Ito ang Bida ang may Bakuna Campaign.

Sa programang ito hinihikayat ang mga mamamayan na magpabakuna laban sa Covid-19 at maging bahagi ng solusyon.

Dito, nakakapagbigay serbisyo ang pamahalaan sa tulong ng apat na Fixed Vaccination Sites, House-to-House Vaccination para sa mga mamamayan na walang kakayahang pumunta sa mga itinalagang vaccination sites, Mobile Vaccination Clinic sa pamamagitan ng mobile bus na umiikot sa mga barangay at ang kauna-unahang Drive-Thru Vaccination Site sa bansa.

Ang bawat isa ay dumaan sa mahigpit na proseso ng Department of Health at Inter-Agency Task Force Against Covid-19 bago tuluyang magsimula ang operasyon.

Bukod sa malawakang pagbabakuna, tuloy-tuloy din ang paghahatid ng serbisyong medikal sa Covid-19 Treatment Facility ng Imus.

Upang mabawasan ang bilang ng mga Covid-19 patient na nasa mga ospital at nagsasailalim ng Home Quarantine, binuksan ng Pamahalaang Lungsod ang pinakamalaking isolation facility nito, ang Saint Dymphna Isolation Facility.

Dito, mas matututukan ng pamahalaan ang pangangailangang medikal ng bawat pasyente mula sa mga itinalaga nitong local health worker.

Namahagi rin ang Pamahalaang Lungsod ng gamot at food packs, kabilang ang mga gulay mula sa Project Punla sa mga Covid-19 patient.

Sa muling pagbubukas ng ekonomiya, sinisigurado ng pamahalaan ang kaligtasan ng mga mamamayan sa pagsasagawa nito ng Mass Nasal Swab Rapid Antigen Testing sa iba’t ibang barangay.

Malaking tulong din ang ayuda ng pamahalaan sa araw-araw na pangangailangan ng mga Imuseño.

Sa Ayudang Maliksi, ligtas na naipapamahagi ang tulong sa bawat pamilyang Imuseño sa pamamagitan ng cashless transaction. Dinagdagan din ng Pamahalaang Lungsod ang pondo mula sa National Government upang mabigyan ang bawat isang pamilya.

Sa walang kasiguraduhang kinabukasan, nagbigay-daan ang mga programa ng Pamahalaang Lungsod ng Imus para sa maayos na pamumuhay ng mga Imuseño ngayong new normal.

Simula sa unang LGU initiated Covid-19 testing center sa CALABARZON hanggang sa kaunaunahang Drive-Thru Vaccination Site sa bansa, tunay na malayo na ang narating ng Imus sa pagbibigay ng tulong at pag-asa sa mga mamamayang Imuseño.