#IMUSamaSamaTayo Ngayong Pasko

#IMUSamaSamaTayo Ngayong Pasko

Pagmamahalan at pagbibigayan – ito ang mensahe sa pagdiriwang ng Kapaskuhan ng Lungsod ng Imus ngayong nahaharap sa matinding krisis pangkalusugan ang buong bansa.

Patuloy man ang pagpapatupad ng ilang restriksyon habang nasasailalim ang lungsod sa Modified General Community Quarantine (MGCQ), siniguro ng Pamahalaang Lungsod na patuloy na madarama ng bawat isang Imuseno ang Kapaskuhan.

Tunay na diwa ng Kapaskuhan

Simple man ngunit higit na makahulugan ang isinagawang dekorasyon sa Imus City Plaza na nagpapaalala sa tunay na diwa ng Kapaskuhan, ang paggunita sa Kapanganakan ng Panginoong Hesukristo.

Ito rin ang mensahe ni Punong Lungsod Emmanuel L. Maliksi sa mga Imuseno. Aniya, sa mahalagang araw na ito, mahalaga ang sama-samang pag-aalay ng panalangin at pagpapahalaga sa tunay na sentro ng selebrasyon.

Makulay na tradisyon

Mula sa mga makukulay na dekorasyon at samu’t saring pagkain, kilala ang mga Pilipino sa masayang pagdiriwang nito ng Kapaskuhan.

Sa nararanasang pandemya, ilang alternatibong pamamaraan ang isinagawa upang patuloy pa ring magunita ang Kapaskuhan kasama ang buong pamilya.

Ang dating mga personal na pagtitipon, ngayon ay kadalasang virtual na sa tulong ng iba’t ibang mga mobile application.

Bahagi na rin ang pagsusuot ng face mask at face shield, at physical distancing sa mga isinasagawang aktibidad, kabilang dito ang simbang gabi na isa sa mga tradisyon ng mga Pilipino.

Sa kabila ng matinding pagsubok, nananatiling buhay ang diwa ng Kapaskuhan sa puso ng bawat isa, hindi man sa makukulay na dekorasyon ngunit sa panalangin at pagsasama-sama ng bawat pamilyang Imuseno.

Add Comment