IMUSaysayan: Tulay Isabel

Ang tulay sa pagitan ng Tulay Isabel at ang Labanan sa Imus.

Sa kasalukuyan, nagsisilbing daanan ng mga sasakyan mula sa Salinas, Bacoor, Palico at Poblacion ng Imus ang Tulay Isabel sa nakalipas na 160 taon. Ito ay itinuturing bilang isa sa mga nagsilbing tulay sa pagsisimula ng tagumpay ng himagsikang Pilipino laban sa mga Kastila 125 taon na ang nakalipas.

Ang Tulay Isabel ay gawa sa malalaking bato, adobeng silyar, pinaghugpong-hugpong tisa gamit ang apog at buhangin. Mayroon itong dalawang malaking arko sa magkabilang dulo, at dumadaloy dito ang tubig mula sa Ilog ng Imus. Taong 1939 nang lagyan ito ng marker na may krus sa itaas sa gitna ng tulay.

Sinimulang itayo ni Señor Matias Carbonell, ang tagapamahala ng Hacienda de Imus, ang tulay taong 1856 matapos iutos ni Heneral Don Manuel Crespo. Natapos ito taong 1857 at tinawag na Puente de Ysabel II o Tulay ng Isabel II hango sa pangalan ng Reyna ng España na si Reyna Isabella II.

Dahil sa mahusay na pagkakagawa ng tulay, ginawaran ng medalyong pilak si Señor Carbonell ng Gobernador Heneral ng Pilipinas ng panahon na iyon na si Heneral Don Ramon Montera.

Makalipas ang halos 40 taon, dito naganap ang isa sa pinakamakasaysayang labanan ng mga Pilipino sa mga Kastila. Sa pamamumuno ni Koronel Jose Tagle, kinulong ng rebolusyonaryong Pilipino ang mga prayle at gwardia sibil sa Hacienda de Imus simula ika-1 ng Setyembre hanggang ika-3 ng Setyembre. Tinangka ng puwersa ng Kastila na pinangunahan ni Heneral Eduardo de Aguirre na mapalaya ang kanilang mga kasama noong ika-3 ng Setyembre.

Ngunit, hindi ito nagtagumpay sa depensa at taktika ng himagsikang Pilipino sa ilalim ng mga kamay ni Heneral Emilio Aguinaldo.

Naghukay upang makapagtago at sinira nito ang isang parte ng arko ng Tulay Isabel at nagresulta upang maiwan ni Heneral Aguirre ang kaniyang armas na Sable de Mando.

Kinilala ang labanan na ito bilang Labanan sa Imus at ipinagdiriwang tuwing ika-3 ng Setyembre.

Ang Tulay ng Isabel ay isang paalala sa ipinakitang tapang at talino ng himagsikang Pilipino laban sa mga mananakop na Kastila.