Juana Laban sa Pandemya: Kaya!

Sa pagdiriwang ng Buwan ng mga Kababaihan na may temang “Juana Laban sa Pandemya: Kaya!” nitong Marso, iba’t ibang programa ang isinagawa sa pangunguna ng Gender and Development Unit (GAD) ng Pamahalaang Lungsod ng Imus.      

Alinsunod sa Presidential Proclamation No. 227 taong 1988, idineklera na Women’s Role in History Month ang Marso, habang Women’s Week ang unang linggo at Women’s Right and International Peace Day ang ika-8 ng buwan ayon sa Presidential Proclamation No. 224 ng naturang taon.

Pormal na sinimulan ang selebrasyon sa ginanap na flag raising ceremony noong ika-1 ng Marso kung saan inilatag ang mga inihandang programa ng GAD para sa mga kababaihan.

Sa pangunguna nina GAD Focal Person at Sangguniang Panlungsod Secretary Ms. Jem Yulo, at GAD Consultant at Chairperson of Women Involved in Nation Building (WIN) Ms. Corazon del Mundo, matagumpay ang pangatlong City Government Women Employees Forum na isinagawa online ngayong taon.

Dito binigyang halaga ang kuwento at bahagi ng mga kababaihang Imuseño sa iba’t ibang larangan. Kasama na rin ang kahalagahan ng kalusugan at ang mga isyu na kanilang kinakaharap, lalo na ang tumataas na kaso ng domestic violence sa gitna ng pandemya.

Bahagi ng aktibidad anq pagbabahagi ng mga kwento at aral sa mga pagbabago na naganap sa buhay ng mga kababaihan, at mga kinakaharap na pangamba ngayong may pandemya. Pinangunahan ito ni Ms. Jelyn Maliksi, isang women advocate at Charter President ng Inner Wheel Club of Mutya ng Imus.

Kaisa rin si Konsehal Raymond Arguelles sa naturang programa para sa talakayan ng mga mahahalagang gampanin ng mga #SuperJuan o mga kalalakihan sa mga gawaing bahay. Kanya ding inilahad ang ilang mahahalagang impormasyon tungkol sa Covid-19 kasunod ng paglalahad ng kanyang personal na karanasan.

Kabilang sa mga tinalakay ang usapin ng mental at physical health na siyang napapanahon lalong higit sa pangamba na dulot ng kinakaharap na krisis ng bansa. Kaisa rito sina Dr. Ma. Teresa Gustilo-Villasor, isang licensed psychologist at psychometrician para sa pangangalaga ng mental health, at Ms. Delila Lojo, managing partner ng Meivan Consulting, Inc. para sa kahalagahan ng pangangalaga sa katawan.

Upang matiyak ang kaligtasan at maayos na kalagayan ng mga kababaihang empleyado ng Pamahalaang Lungsod, namahagi ang GAD Unit ng COVID-19 kits at GAD shirts bilang bahagi ng programa.

Ginanap naman ang Women’s Trade Fair sa The District Mall Imus noong ika-18 hanggang 19 ng Marso tampok ang mga Imuseñong negosyante na dinaluhan ni Ms. Jelyn Maliksi, kaagapay ang City of Imus Cooperative, Livelihood and Entrepreneurial, and Enterprise Development Office (CICLEDO) at The District Imus.

Kinilala rin ang mahalagang bahagi ng mga kababaihan sa komunidad sa pamamagitan ng isinagawang Online Kwentuhan ni Mrs. Jelyn Maliksi na may pinamagatang “Alamat ni Nina Gigantes” sa panunulat ni Patricia Ramos. Tampok din dito ang kwento ng mga #WonderJuana sa lungsod kung saan nakatanggap ang bawat isang nanalo ng mga natatanging premyo mula kay Mrs. Maliksi.

Kabilang dito ang grocery gift packs, exclusive Imus women’s month zumba jerseys, gazlite burners, 500 pisong SM gift certificates, at Php 1000 gift vouchers mula sa RM Face and Skin Clinic.

Bilang tugon sa tumataas na unemployment rate, nagdaos din ng Job Fair sa Robinsons Place Imus ang Public Employment Service Office (PESO) na mungkahi nina Mayor Emmanuel L. Maliksi at Vice Mayor Ony Cantimbuhan.

Sa panahon kung saan nahaharap ang bansa sa pandemya, may nakaatang na mas malaking pagsubok ito sa mga kababaihan. Kaya’t kaisa ng bawat Juana ang Pamahalaang Lungsod sa pagsulong ng mga programa at aktibidad para sa pagpapahalaga ng mga karapatan at paglaban sa mga suliraning pangkababaihan tungo sa pantay-pantay na pagtingin sa anumang kasarian.

Kayang-kaya ng mga #WonderJuana maging sa panahon ng pandemya!