Kauna-unahang National ID Registration Center sa Imus, Bukas na!

LUNGSOD ng Imus – Opisyal nang binuksan ang kauna-unahang PhilSys Registration Center sa Lungsod noong ika-25 ng Hunyo sa SM Center Imus para sa pagpapaparehistro ng National ID ng mga Imuseño.

Pinasinayaan ito nina Mayor Emmanuel Maliksi at Vice Mayor Ony Cantimbuhan, kasama sina Philippine Statistics Authority (PSA) Chief Statistician Lucilda Soneja, SM Center Imus Assistant Mall Manager Marnelle Sumilong, at mga kawani ng Pamahalaang Lungsod.

Sa tulong nito, higit na mapapadali at mapapabilis na ang pagpaparehistro ng National ID, na may kaakibat na benepisyo sa paggamit ng mga serbisyo ng gobyerno at maaari ring magamit sa pribadong sektor.

Alinsunod sa Republic Act No. 1105 o ang Philippine Identification System Act ng 2018, itinatag ang pagkakaroon ng single national identification o iisang sistema nang pagkakakilanlan ng mga Pilipino at mga dayuhang naninirahan sa bansa.

Upang makakuha ng National ID, kailangan lang dumaan sa three-step registration process kung saan ang Step 1 ay ang online registration para ma-iskedyul sa pagpunta sa Step 2 o registration centers. Bukod sa online registration, nag-ikot din ang mga kawani ng PSA sa iba’t ibang barangay at namahagi ng appointment slip.

Sa Step 2 na isinasagawa sa itinalagang sites, bineberipika ang katunayan ng mga impormasyon ng indibidwal at kinukuha ang biometric information. Ang Step 3 naman ay ang pagtanggap ng PhilSys Number (PSN), ang 12-digit permanent identification number na natatangi sa bawat rehistrado, at ang PhilD o ang physical identification card na ipapadala sa pamamagitan ng Philippine Postal Corporation (PHLPost).

Hindi man sapilitan ang pagkuha nito, hinihikayat pa rin ang lahat, sapagkat nakatakda itong maging central identification platform ng gobyerno. Wala ring minimum age requirement upang makapagparehistro at kinakailangan lamang magpakuha muli ng biometrics pagsapit ng 15 taong gulang.

Bukod pa rito, pang-habangbuhay ang bisa ng national ID na maaaring i-update kapag nagbago ng tirahan o biometric information. Samantala, may isang taon na bisa ito para sa mga dayuhang naninirahan sa bansa na maaaring i-renew.

Para sa Step 2 registration, magdala lamang ng kahit anong orihinal na kopya ng pagkakakilanlan tulad ng primary documents na PSA-issued Certificate of Live Birth o sertipiko ng kapanganakan at government-issued identification document; Pasaporte ng Pilipinas; GSIS ID, SSS ID, o UMID; LTO Student Permit o Driver’s License; o anumang dokumento at ID na mayroong buong pangalan, address, birthday, litrato, at lagda o thumbmark.

Sa kasalukuyan, ang Imus ay mayroong limang (5) PhilSys Registration Center mula sa pagbubukas kamakailan lamang ng registration center sa Robinsons Place Imus, The District Mall Imus, at Bahayang Pag-asa Extension Office.­