Kooperatiba Matatag: Tumutugon sa mga Hamon, Daan sa Pagbangon, Nagbibigay Pag-asa sa Makabagong Panahon!

Tuwing Oktubre kaisa ang Lungsod ng Imus sa pagdiriwang ng National Cooperative Month at Cooperative Week tampok ang mga programa ng Pamahalaang Lungsod ng Imus para sa mga kooperatiba at miyembro nito sa pangunguna ng City of Imus Cooperative, Livelihood and Entrepreneurial and Enterprise Development Office (CICLEDO).

Ayon sa Republic Act No. 11502 ng 2020, ang buwan ng Oktubre ay itinuturing na National Cooperative Month. Ginugunita ng Pamahalaang Lungsod ang ika-tatlong linggo ng Oktubre bilang Cooperative Week alinsunod sa City Ordinance No. 03-85, s. 2017. Ngayong taon, nakasentro ang Cooperative Month sa temang “Kooperatiba Matatag: Tumutugon sa mga Hamon, Daan sa Pagbangon, Nagbibigay Pag-asa sa Makabagong Panahon!”

Bilang bahagi ng pagdiriwang, pinasinayaan ang bagong Cooperative and Livelihood Training Center (CLTC) sa Imus noong ika-22 ng Oktubre.

Ang training center ay magsisilbing permanenteng opisina ng pederasyon ng mga kooperatiba sa lungsod at pagdarausan ng mga seminar, training, meeting, at mini conferences. Mayroon din itong Pasyalubong Center kung saan ay mahahanap ang lahat ng mga produkto ng kooperatiba sa pamamagitan ng One Coop, One Product at One Cluster, One Product Program.

Ito ay bahagi ng inisyatibo ni Mayor Emmanuel L. Maliksi sa pakikipagtulungan nina Dr. Emmanuel Santiaguel, Head ng CICLEDO, at Social Concerns Multi-Purpose Cooperative Chairperson Fr. Arturo Balagat bilang tugon na mapatibay pa ang samahan ng mga kooperatiba sa Imus.

Bilang pagkilala sa kahusayan at dedikasyon ng mga kooperatiba sa Lungsod, ginawaran ang 20 kooperatiba at 17 cooperative leaders ng parangal sa nagdaang Imus Galing Koop Awards 2021. Ilan sa mga pagkilalang iginawad ay ang Most Increase in Volume of Business, COOP with Highest Savings Deposit for the Years 2016 – 2020, Most Number of Members, at 2021 Outstanding Cooperative Leader Award.

Sa patuloy na pagbangon ng mga Imuseño mula sa epekto ng pandemya, nag-ikot ang Livelihood Skills Training ng CICLEDO sa iba’t ibang mga barangay upang mahikayat ang publiko na magsimula ng kanilang negosyo. Kabilang na rito ang milk tea, fruit teas, and iced coffee latte making; dishwashing liquid and fabric conditioner making; bread and pastry making, at meat processing.

Upang mapatatag din ang mga miyembro ng kooperatiba mula sa hamon ng krisis pangkalusugan, ilang mga webinar ang isinagawa para sa mga ito. Sa usaping Gender and Development: Creating a Safe Workplace for Cooperative Employees, tinalakay ni Ms. Cecilia Lorenzana, isang Accredited Trainer on Gender and Development, ang mga batas at hakbang na makapagbibigay proteksyon sa mga empleyado sa kanilang trabaho. Ibinahagi rin ni Ms. Katrina Resurreccion ang ilan sa practical tips tungo sa matatag na samahan ng mga pamilya ngayong pandemya sa Healthy Minds for Men and Women Entrepreneurs.

Ilan sa mga tinututukan ng Pamahalaang Lungsod ang mga kabataang Imuseño. Sa pamamagitan ng BIDA KArd, maaaring magkaroon ng mga diskwento at pribilehiyo sa mga establisimiento ang mga batang may edad 5 hanggang 17 taon. Ito ang kauna-unahang child development and welfare card sa Pilipinas na layunin din na maturuan ang mga kabataan na mag-impok sa murang edad pa lamang. Ito ay sa pangunguna ng City of Imus Local Council for the Protection of Children (LCPC) at CICLEDO.

Sa kasalukuyan, mayroong 38 bilang ng mga kooperatiba sa Lungsod. Kabilang na rito ang 63,400 miyembro kung saan mahigit kumulang 846 milyong piso ang kabuuang halaga ng kooperatiba sa taong 2020.

Para kay Mayor Emmanuel L. Maliksi, malaki ang naging tulong ng mga kooperatiba sa Imus lalo na sa kinakaharap na krisis pangkalusugan ng bansa. Nais din niya na mapagtibay pa ang mga ito upang mas makatulong sa mga Imuseño.