Libreng Check-up at Routine Immunization para sa mga Batang Imuseño, Isinagawa

Bahagi ng mga tinututukang programa ng Pamahalaang Lungsod ng Imus ang kalusugan ng mga batang Imuseño sa Baby’s Day nito o regular na pagsasagawa ng libreng konsultasyon at pagpapabakuna sa mga sanggol at bata sa iba’t ibang barangay noong ika-25 ng Agosto.

Layunin nito na mabigyan ng kaukulang atensyong medikal at karagdagang proteksyon ang mga kabataan laban sa preventable diseases o malulubhang sakit, lalo na at nahaharap ang bansa sa isang matinding krisis pangkalusugan.

Ito ay nasasailalim sa The Philippine National Strategic Framework for Plan Development for Children at National Immunization Program ng Department of Health (DOH) upang masiguro na maayos na natututukan ang kapakanan at pangangatawan ng bawat batang Pilipino.

Nauna nang isagawa ang naturang programa sa mga barangay ng Medicion II-A hanggang II-F at Bayan Luma VII. Nakatakda namang mabakunahan ang mga sanggol at bata sa lahat ng barangay sa Imus.

Ayon sa Republic Act No. 10152 o “Mandatory Infants and Children Health Immunization Act of 2011,” kinakailangang mabigyan ng karampatang bakuna ang mga bata laban sa tuberculosis (TB), hepatitis B, diptheria, pertussis, tetanus, influenza B, poliovirus, measles, mumps, at rubella.

Sa datos ng DOH, nasa 61.5% ang maituturing na fully-immunized children o mga batang kumpleto sa bakuna noong 2020, 7.6% ang ibinaba mula sa naitalang pagbabakuna taong 2019. Masasabing kumpleto sa bakuna ang isang bata kung maaabot nito ang 95% immunization coverage o inirerekomendang saklaw ng pagbabakuna ng World Health Organization (WHO).

Sa kinakaharap na krisis pangkalusugan, mahalaga na nasisigurong nabibigyan ng sapat na atensyon ang kalusugan at pangangailangang medikal ng mga bata.