Limang pampublikong paaralan sa Imus, nakiisa sa malawakang “face-to-face” balik-eskwela!

Limang pampublikong paaralan sa Imus, nakiisa sa malawakang “face-to-face” balik-eskwela!

Sa pagpapatupad ng progressive expansion face-to-face classes ng Department of Education (DepEd) sa kalakhang CALABARZON noong ika-14 ng Pebrero, nakilahok ang 520 mag-aaral ng Imus National High School (INHS), Gen. Juan Castañeda Senior High School (SHS), Alapan I Elementary School (ES), Alapan II ES, at Bukandala ES.

Layunin nito na madagdagan pa ang bilang ng mga estudyanteng makakabalik sa silid-aralan matapos ang higit isang taon sa online at modular learning dulot ng pandemyang COVID-19. Prayoridad din ng balik-eskwela ang matutukan at makabawi ang mga estudyanteng walang kakayahang makisabay sa distance learning modality.

Magpapalitan ang mga estudyante kada linggo sa kalahating araw na pagpasok sa kani-kanilang mga paaralan. Kabilang dito ang 80 mag-aaral na nasa ika-apat hanggang ika-10 baitang ng INHS at 80 senior high school students ng Gen. Juan Castañeda SHS. Habang ang tatlong paaralang elementarya ay mayroong tig-120 mag-aaral mula kindergarten hanggang Grade 6.

Sa unang araw ng balik-eskwela, binisita nina Mayor Emmanuel Maliksi at Imus Schools Division Office (SDO) Superintendent Dr. Rosemarie Torres ang INHS upang kumustahin at magbigay suporta sa mga mag-aaral at kaguruan.

Ayon sa DepEd, nakabase pa rin sa joint memorandum circular ng DepEd at Department of Health (DOH) ang mga alituntuning ipinapatupad habang hinihintay ang revised memorandum nito. Nilinaw rin ng DepEd na tanging mga paaralan na nasa mga lugar sa ilalim ng IATF COVID-19 Alert Level 1 at 2 lamang ang maaaring makilahok sa face-to-face classes. Kinakailangan ding makapasa ang mga paaralan sa safety and readiness assessment ng DepEd at DOH.

Bilang karagdagang pag-iingat, mga bakunadong guro lamang ang pinahihintulutang magturo sa face-to-face classes, habang kinakailangan ng written consent o kasulatan na pinapahintulutan ng mga magulang ang partisipasyon ng mga mag-aaral.

Tinitiyak din ang maayos na pagsunod sa minimum public health guidelines gaya ng pagsusuot ng face mask, pagkuha ng temperatura at pagsagot ng health declaration form bago pumasok sa paaralan, paglagay ng mga gamit sa UV light box para sa pagdi-disinfect, physical distancing, at maging ang regular na checkup para sa mga mag-aaral.

Matatandaan na naging bahagi ng pilot limited face-to-face classes ang Gov. D.M. Camerino Integrated School noong Disyembre 2021. Kabilang dito ang mga mag-aaral ng kindergarten at mga Grade 1, 2, at 3. Bago ang progressive expansion face-to-face classes nitong Pebrero, ang naunang itinakda na malawakang balik-eskwela sa Enero ay naantala matapos ang tuloy-tuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Buong suporta ang ipinagkakaloob ng Pamahalaang Lungsod sa DepEd Imus upang matiyak ang ligtas na balik-eskwela ng mga mag-aaral.

Add Comment