LSP-NSB, hatid ng DTI at Imus LEIPO sa 30 negosyanteng Imuseño

Sa pagtutulungan ng Imus Local Economic and Investment Promotions Office (LEIPO) at Department of Trade and Industry (DTI), nakatanggap ng Negosyo Kits ang 30 micro, small, and medium enterprises (MSMEs) mula sa limang (5) barangay sa Lungsod ng Imus sa ilalim ng Livelihood Seeding Program – Negosyo Serbisyo sa Barangay (LSP-NSB) noong ika-12 ng Nobyembre.

Layunin ng programa na makapagbigay ng karagdagang suporta sa maliliit na negosyo at mapabatid sa mga barangay ang mga serbisyo ng Negosyo Center ng DTI. Tinututukan nito ang MSMEs na kabilang sa Local Communist Armed Conflict (LCAC) areas, Indigenous People (LPs), Persons of Concern (POC) o refugees, at mamamayang labis na apektado ng mga kalamidad at krisis pangkalusugan gaya ng mga epidemya at pandemya.

Ang mga benepisyaryo ay nagmula sa mga barangay ng Tanzang Luma I, Anabu II-D, Bucandala II, Mariano Espeleta I, Malagasang I-C, at Buhay na Tubig. Nakatanggap ang mga ito ng negosyo kits para sa kani-kanilang sari-sari store, salon, shoe store, carinderia, bicycle, school supplies, barbershop, tailoring, ready-to-wear, gift shop, at laundry. 

Upang makatanggap ng livelihood kits, kinakailangan na maipakita ang business name certificate o barangay permit, dumalo sa business development sessions ng DTI Provincial Offices at Negosyo Centers, at punan ang Simplified Action Plan at Pledge of Commitment. Makakatanggap ng 5,000 hanggang 8,000 pisong halaga ng kits ang mga kwalipikadong MSME.

Hatid din ng LSP-NSB ang iba pang mga serbisyo nito tulad ng business registration, business advisory na kinabibilangan ng counseling, product development, financing facilitation, business matching, trade promotion, at investment promotion. Bahagi rin nito ang business information and advocacy para sa tamang pamamaraan ng information dissemination at mga training, seminar, at workshop na mapagkukunan ng karagdagang kaalaman pagdating sa pamamahala ng negosyo.

Ang mga nais na makakuha ng mga serbisyong nabanggit ay hinihikayat na makipag-ugnayan sa Barangay Small and Medium Enterprise Counselor o bisitahin ang pinakamalapit na Negosyo Center o DTI local office.

Patuloy ang Pamahalaang Lungsod ng Imus, sa pangunguna ni Mayor Emmanuel L. Maliksi, sa pagbibigay ng suporta sa mga negosyanteng Imuseño sa pamamagitan ng mga programa at aktibidad tungo sa matatag at matagumpay na pagnenegosyo.