Makabuluhang selebrasyon ng kapistahan ni Nana Pilar

Simple, payapa – ito ang naging selebrasyon ng kapistahan ni Nuestra Señora del Pilar, mas kilala bilang “Nana Pilar” at ang patron ng Diocese ng Imus, noong ika-12 ng Oktubre.

Sa bisperas pa lamang ng kapistahan, binigyang papugay na si Nana Pilar sa ginanap na flag raising ceremony ng Pamahalaang Lungsod at ng banal na misa sa Katedral ng Imus. Ito ay dinaluhan nina Mayor Emmanuel L. Maliksi at Vice Mayor Ony Cantimbuhan. Bilang bahagi ng kanilang panata, binuhat ng mga ito ang andas ng imahe magmula sa tapat ng Imus City Hall patungo sa Katedral ng Imus.

Ang pagdiriwang ng kapistahan ni Nuestra Señora del Pilar ay isa sa mga pinakamakulay sa Lungsod ng Imus. Bilang pasasalamat ng pamahalaan sa mga biyaya nito, ang buwan ng Oktubre ay itinuturing na service month, tinatawag na “Octoverload,” upang maibahagi rin ang mga biyaya at kasiyahan sa mga Imuseño.

Hatid nito ang mga programang makakatulong sa mga kabataan at matatanda, magsasaka, manggagawa, at pati sa mga alagang hayop. Kabilang din ang iba’t ibang training, palaro, papremyo, “fudtripan,” at karakol kung saan libo-libo ang nagtitipon bilang panata kay Nana Pilar.

Ang imahe ni Nuestra Señora del Pilar ay dinala ng mga Rekolektong prayle noong ika-28 ng Mayo 1694 sa Cavite. Sa mahigit kumulang na 320 taong pamamalagi nito sa Lungsod, punong-puno ng mga himala at biyaya ang natanggap ng mga Imuseño. Kabilang na rin dito ang mga karanasan ni Kardinal Luis Antonio Tagle. Ayon sa kaniya, ang pagkakatalaga niya bilang obispo, arsobispo, at kardinal ay nangyari lahat sa buwan ng Oktubre sa magkakaibang taon.

Ang makabuluhang paggunita ng Kapistahan ni Nuestra Señora del Pilar ngayong taon ay isang paalala na hindi kailanman mawawala ang pag-asa anuman ang harapin ng mamamayang Pilipino.