Mga Bagong Kagamitan at Serbisyo sa Ospital ng Imus, Handang-handa para sa mga Imuseño

Bilang tugon sa pagpapalawak ng serbisyong medikal ng Pamahalaang Lungsod ng Imus, pinangungunahan ni Punong Lungsod Emmanuel Maliksi, ang pagbubukas ng mga bagong pasilidad at pagpapasinaya sa mga bagong kagamitan sa Ospital ng Imus (ONI) ngayong taong 2021.

Upang mapalawak pa ang kakayahan ng ONI sa pagsusuri ng mga pasyente, nagdagdag ang pamahalaan ng mga bagong kagamitan tulad ng fully operational CT Scan, limang (5) mechanical ventilators, dalawang (2) Continuous Positive Airway Pressure (CPAP), walong (8) dialysis machines, at anim (6) na laboratory equipment na kinabibilangan ng mga kagamitan para sa blood chemistry, coagulation studies, blood analyzer, electrolytes analyzer, at immunology analyzer.

Layunin din ng local na pamahalaan na higit na makapaghatid ng abot-kayang serbisyong medikal sa mga Imuseño at sa mga naninirahan sa karatig pang bayan.

Dahil dito, noong ika-5 ng Enero, nagsimula nang tumanggap ang ONI ng CT Scan procedures. Sa pagiging fully operational nito, maaaring makapagsagawa ng 29 na procedure na tiyak na magiging malaking ginhawa sa mga Imuseño. Bukod pa rito, pormal na binuksan noong ika-26 ng Abril ang 2D Echo (echocardiography) at 2D Echo with Doppler facility na pinangunahan din ni Mayor Maliksi.

Sa pagtugon naman sa mga pangangailangan ng COVID-19 patients, lalo na sa severe cases, pinasinayaan noong ika-30 ng Abril ang Intensive Care Unit (ICU) facility na unang nakatanggap ng pasyente noong ika-5 ng Mayo. Mula sa tuloy-tuloy na pagbibigay ng serbisyong medikal, napagtagumpayan din nito ang laban sa Covid-19.

Ito ay bahagi lamang ng maraming programa ng Pamahalaang Lungsod ng Imus para sa paghahatid ng may kalidad, abot kaya, at maliksing serbisyong medikal para sa mga Imuseño.