Mga mag-aaral ng Imus National High School, sumailalim sa digital literacy training ng Imus City Public Library at LCPC

Mga mag-aaral ng Imus National High School, sumailalim sa digital literacy training ng Imus City Public Library at LCPC

Imus National High School — Matagumpay na isinagawa ang Digital Literacy Training ng 86 grade seven at grade eight students ng Imus National High School (INHS) noong ika-16 hanggang 20 ng Mayo.

Bunga ito ng pakikipagtulungan ng City of Imus Local Council for the Protection of Children (LCPC) sa Imus City Public Library na may layuning malinang sa mga kabataan, o itinuturing na “digital natives,” ang kahalagahan ng responsable at maingat na paggamit sa internet at sa makabagong teknolohiya.

Sa limang araw na pagsasanay, tinuruan ang mga estudyante kung paano gamitin ang ilang Microsoft Office applications tulad ng Word, Excel, at PowerPoint. Ibinahagi rin sa mga mag-aaral ang pagkakaroon ng kritikal na pag-iisip sa iba’t ibang content mula sa internet na kanilang napapanood, nababasa, o napakikinggan. Sa pamamagitan nito, natutulungang makaiwas ang mga kabataan mula sa pagiging biktima ng misinformation na maaaring makaapekto sa mga netizen.

Ang Digital Literacy Training ay isang serye ng programa mula sa City Public Library upang matulungan ang bawat Imuseño na ligtas na makasabay sa makabagong panahon at modernong teknolohiya.