Mobile Vaccination sa Imus, Patuloy na Umarangkada

Patuloy ang pag-ikot ng Mobile Vaccination Team ng Imus at Resbakuna Bus ng Philippine Red Cross Cavite Chapter katuwang ang Rotary Club of Imus at Inner Wheel Club of Mutya ng Imus sa pangunguna ni Ms. Jelyn Maliksi sa iba’t ibang barangay sa Imus kabilang ang mga Covid-19 hotspot upang mabakunahan ang mga mamamayan bilang proteksyon sa malalang sintomas ng Covid-19.

Sa datos ng Department of Health (DOH), nangunguna ang Imus sa tala ng may pinakamabilis na makapagbakuna sa buong Lalawigan ng Cavite. Naging matagumpay din ang vaccination campaign ng Pamahalaang Lungsod na makikita sa magandang pagtanggap ng mga Imuseño at mataas na datos ng mga nais magpabakuna.

Sa kasalukuyan, ang Imus ay mayroong 3,000 na kapasidad na kayang mabakunahan sa bawat araw mula sa iba’t ibang inisyatibo nito kabilang ang fixed vaccination sites, drive-thru vaccination, house-to-house vaccination at mobile vaccination clinic.

Malaking tulong din ang tuloy-tuloy na suplay ng Covid-19 vaccine sa mabilis na pag-abot ng Imus sa herd immunity lalong higit sa banta ng Delta variant sa bansa.

Dahil sa malalang sintomas na maaaring maidulot ng Covid-19 lalong higit sa mga may karamdaman, binigyang prayoridad din ng pamahalaan ang pagpapabakuna sa Persons with Disability (PWDs) kung saan naglaan ito ng ilang araw upang matutukan ang pagbabakuna sa nasabing sektor. Sa tala, 94 PWDs ang karagdagang nabakunahan sa inisyatibong ito.

Matatandaan na isinagawa rin ng Pamahalaang Lungsod ang Tutok Seniors para naman sa pagpapabakuna sa mga senior citizen na bahagi rin ng persons at high-risk sa Covid-19.

Naniniwala si Punong Lungsod Emmanuel L. Maliksi na ang pagkakaroon ng bakuna ang isa sa mabisang solusyon laban sa Covid-19. Dahil dito, inilapit na ng pamahalaan ang Covid-19 vaccine sa mga mamamayan.