MSME Month: Bida ang mga Negosyanteng Imuseño!

Tuwing buwan ng Hulyo kaisa ang Pamahalaang Lungsod ng Imus sa pagdiriwang ng Micro, Small and Medium Enterprises (MSME) Month sa pamamagitan ng iba’t ibang mga programa para sa mga negosyanteng Imuseño sa pangunguna ng Imus Local Economic and Investment Promotions Office (LEIPO).

Sa kabila ng kinakaharap na pandemya, tuloy ang serbisyo para sa mga namumuhunan at mga nais magtayo ng kanilang negosyo sa lungsod.

Kabilang sa mga inihatid ng pamahalaan ang mga libreng webinar sa ilalim ng programang iSEE o Imus Seminars for Emerging Entrepreneurs.

Sa temang “MSMEs and Government Regulations in the New Normal” ng MSME Month ngayong taon, tinalakay sa iSEE ang Accounting for Non-Accountants noong Hulyo 7, BIR Reportorial Requirements and BMBE Law noong Hulyo 14, at BIR E-Filing and E-Payment noong Hulyo 21. Katuwang dito ang mga kinatawan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na nangangasiwa sa mga nasabing transaksyon para sa mga negosyo.

Naging sentro naman ng paggunita sa MSME Month ang isinagawang 3rd City of Imus Business Cliniquing. Dito, naging gabay ng mga namumuhunan ang Department of Trade and Industry (DTI) sa talakayan ng Business Name Registration noong Hulyo 26 at BMBE Registration noong Hulyo 28.

Kaisa rin dito ang Bureau of Internal Revenue (BIR) para sa usaping Tax Filing and Payment noong Hulyo 30.

Kinikilala rin ng Pamahalaang Lungsod ng Imus ang malaking kontribusyon ng mga negosyo sa ekonomiya ng lungsod, at sa paghahatid ng karagdagang oportunidad sa trabaho para sa mga mamamayan.

Sa nararanasang krisis pangkalusugan, isa ang sektor ng pagnenegosyo sa mga higit na naapektuhan ng nararanasang pandemya kung kaya’t bukod sa pagdiriwang ng MSME Month, tuloy-tuloy din ang mga libreng serbisyo nito sa tulong ng mga ahensya ng pamahalaan.