National Children’s Month 2021: Pangangalaga sa Karapatang Pambata Ngayong New Normal

Sa pagdiriwang ng Children’s Month 2021 na may temang “New Normal na Walang Iwanan: Karapatan ng Bawat Bata Ating Tutukan,” ibinida ng Pamahalaang Lungsod ng Imus, sa pangunguna ng City of Imus Local Council for the Protection of Children, ang mga programang makakatulong upang linangin ng mga kabataan ang kanilang mga karapatan ngayong new normal.

Barangay Council for the Protection of Children (BCPC) Capacity Building Webinar

Pinangunahan ng Barangay Council for the Protection of Children (BCPC) Capacity Building Webinar ang mga serye ng selebrasyon noong ika-4 ng Nobyembre sa usapin tungo sa mas matibay na karapatan at proteksyon ng mga bata. Sa pagtutulungan ng LCPC at City Social Welfare Development Office (CSWDO), tinalakay ni Ms. Aurelia Cainday-Mendoza, Social Welfare Officer II ng Municipal Social Welfare Development Office – Gen. E. Aguinaldo, ang mga bagay na dapat tutukan upang masiguro ang kaligtasan ng mga bata sa kalagitnaan ng pandemya. Pinag-usapan din ang iba’t ibang karanasan ng mga bata na makapagbibigay-linaw sa development investment plan ng mga barangay at sa epektibong pagsasagawa nito sa mga aktwal na pangyayari.

Online Kwentuhan

Sinundan naman ito ng kwento ni Uncle Sam, sa panunulat ni Segundo D. Matias Jr., na nagpapa-alala sa mga bata na huwag maging mapanghusga sa kahit sinuman. Ito ay isinalaysay ni Kuya Christian Yunson sa Online Kwentuhan ng Imus Public Library noong ika-5 ng Nobyembre. Ang tatlong chikiting na nakasagot nang tama sa katanungan ay nakatanggap ng mga papremyo.

2nd Virtual Book Character Costume Competition: Dressing Up and Acting Out

Kasabay ng pagdiriwang ng Library and Information Services (LIS) month, nagpakitang gilas ang mga batang Imuseño pagdating sa kasuotan at galaw ng kanilang mga paboritong karakter sa Virtual Book Character Costume Competition: Dressing Up and Acting Out noong ika-11 ng Nobyembre.

Sa unang kategorya ng patimpalak, hinirang na first place si Matt Zaijan Manaig ng Imus Pilot Elementary School bilang Spiderman. Nagwagi naman si Alexa Claiser Trinidad sa pagiging Katniss Everdeen ng Imus National High School sa pangalawang kategorya. Habang nasungkit ni Angela Ashlyn Arce ng Gen. Emilio Aguinaldo High School ang kampeonato sa pangatlong kategorya matapos irepresenta si Queen of Hearts. Ginawaran din ng special awards na Social Media Favorite ang mga kalahok kung saan si Cazxandra Garay ay hinirang din +na Most Creative Costume Winner sa kaniyang kasuutan na The Magical Unicorn.

Naganap ang awarding ceremony noong ika-30 ng Nobyembre sa social media page ng City of Imus Public Library. Ang LIS month ay ginugunita tuwing Nobyembre ayon sa Proclamation No. 837 ng 1991.

Good Governance sa City of Imus Youth Leaders’ Summit

Sa temang “Youth Aspirations towards Good Governance,” naganap sa pangatlong pagkakataon ang City of Imus Youth Leaders’ Summit noong ika-13 ng Nobyembre. Ibinahagi rito ng tatlong guest speakers mula sa Kabataang Lingkod Bayan ng Pilipinas (KLBP) ang mga kadahilanan kung bakit mahalaga na may malasakit ang mga kabataan sa mga usaping pangpulitika at pangbayan.

Sa paksang The Voice of the Young through Voting, tinalakay ni Hon. Chesca Persia – ang Founder at Executive Director ng Zero Hunger PH, Chairperson ng Millennials PH Rizal Province, at Founder ng KLBP – ang makabuluhang papel ng bawat boto ng mga kabataan sa darating na eleksyon at partisipasyon sa mga pangunahing isyu na kinakaharap ng bansa. Pagdating naman sa Youth Participation in Governance, inilathala ni National Officer for Membership Development ng KLBP, Mr. Ronnie Carpio, ang 12 prinsipyo ng good governance o mabuting pamamahala. Hinikayat din nito ang mga kabataan na magkaroon ng kamalayan sa mga nangyayari sa pamahalaan at maging responsableng kabataan ng Pilipinas.

Bilang Sangguniang Kabataan (SK) Federation President ng Lemery, Batangas at National Chairperson ng KLBP, ibinahagi ni Hon. Hannah Beatriz Cabral ang mga tungkulin ng mga kabataan bilang bahagi ng gobyerno sa usaping Youth as Future Leaders of the Government. Pinag-usapan din ang mga mahalagang katangiang dapat taglayin ng isang mahusay na lider.

5th Outstanding Kabataan (OK) Awards

Sa pangunguna ng LCPC at Imus Youth Affairs Office (YAO), kinilala naman ang mga natatanging kontribusyon at tagumpay ng mga kabataang Imuseño sa ika-limang Outstanding Kabataan (OK) Awards noong ika-19 ng Nobyembre sa Maliksing Kabataan Building. Ginawaran ng mga parangal ang 13 kabataan, kabilang na ang Most Outstanding Youth Frontliner na si Linzei Crudo dahil sa kahanga-hanga nitong paglilingkod sa kinakaharap na krisis pangkalusugan ng bansa.

E-Kiddielympics 2021 BTS: BIDAkids Talent Showdown

Sa nagdaang E-Kiddielympics 2021 BTS: BIDAkids Talent Showdown noong ika-25 ng Nobyembre, ipinamalas ng mga kabataang Imuseño ang kanilang mga kamangha-manghang talento sa pagsulat, pagkanta, at pagkulay.  

Sa kaniyang galing bilang isang makata, itinanghal na 1st placer si Janth Lhixer Bedso mula sa Cluster IX-B. Nagpakitang gilas din si Justine Zoey Laniog ng Cluster IX-B gamit ang kaniyang boses nang masungkit ang pinakamataas na pagkilala sa pagkanta. Hindi rin nagpahuli sa talento nito sa sining matapos hiranging kampeon si Qiana Lexee Dialoja ng Cluster VI-A sa coloring contest. Pinarangalan naman si Michelle Mendones mula sa Cluster VIII bilang Social Media Favorite matapos makakuha ng 1,600 likes ang kaniyang makulay na sining sa Facebook.

Eskwela Kooperatiba (EK) Youth Financial Literacy Festival 2021

Karapatan ng bawat bata ang umunlad. Dahil dito, hatid ng Imus Cooperative, Livelihood and Enterprise Development Office (CICLEDO) at LCPC noong ika-25 ng Nobyembre ang Eskwela Kooperatiba (EK) Youth Financial Literacy Festival 2021. Layunin nito na maturuan ang mga kabataan ng kahalagahan ng pera sa pamamagitan ng pag-iimpok at pagtitipid, kabilang na ang pagpapalago nito sa isang kooperatiba.

Unang ibinahagi ni Ms. Eleanor Ramos, Manager of the Financial Inclusion Office ng Bangko Sentral ng Pilipinas, ang mga importanteng hakbang sa pamamahala ng pera ng mga miyembro ng EK na nasa elementarya. Sa usaping Students’ Guide to Personal Finance para sa High School members, inilathala ng registered financial planner na si Dr. Jhoanna De Guzman ang mga karagdagang kaalaman kung paano mapapayabong ng mga ito ang kanilang ipon at ang konsepto ng kooperatiba.

Kasabay din ng programa ang pag-anunsyo ng mga nanalo sa EK, Eskwela Kanta Contest kung saan pinarangalan sina Princess Aiezsah Ocampo at Deither Ocampo, kasapi sa Kapit Baryo Multipurpose Cooperative ng Alapan Elementary School, ng kampeonato at People’s Choice Award para sa grade school category. Nakamit din ang pagkapanalo at ang People’s Choice Award ng miyembro ng INHS and Community Multipurpose Cooperative ng Imus National High School na si Rhyle Clebell Aguirre. Ang lahat ng mga nagwagi ay nakatanggap ng mga medalya, certificate of recognition, at cash prize.

Local State of the Children’s Report 2021

Isa sa mga pinaka tampok sa pagdiriwang ng Children’s Month ay ang Local State of the Children’s Report na taunang inilalahad ni Mayor Emmanuel L. Maliksi. Noong ika-26 ng Nobyembre, ibinida ng Alkalde ang mga programang pangkabataan na isinagawa ng Pamahalaang Lungsod sa nagdaang taon na pinangunahan ng LCPC at iba pang tanggapan ng pamahalaan.

Bahagi ng mga tinututukan ng Pamahalaang Lungsod ang kalusugan, kaligtasan, karapatan, kaunlaran, at edukasyon ng mga batang Imuseño. Ilan sa mga ito ay ang immunization at micronutrient supplementation, pangangalaga sa mga nagbubuntis at nagpapasuso, education fair para sa distance learning, EK programs, at kampanya tungo sa paglinang ng mga karapatan ng mga kabataan. Kasama rin dito ang Project Emmanuel na kinabibilangan ng Project Babibu para sa mga pampublikong mag-aaral ng grade 1 hanggang grade 10, Bida I-Konek Mo, E-Konnect: Educational Gadget Loan program, at E-Jeepney.

Kinilala rin ang Most Child-Friendly Barangays kung saan nanguna ang Bucandala II ni Punong Barangay (PB) Jerry Vilbar. Sinundan naman ito ng Malagasang I-G ni PB Mark Oliver Valerio, pangatlo naman ang barangay Maharlika ni PB Gina Hyson, nasa ika-apat ang Alapan I-C ni PB Ronaldo Marcial, at nagtapos sa barangay Pag-asa I ni PB Raymond Camama.

5th City of Imus Book and Trade Fair

Isinagawa ang ika-limang City of Imus Book and Trade Fair noong ika-29 ng Nobyembre hanggang ika-3 ng Disyembre sa Facebook page ng City of Imus LCPC. Tampok dito ang 10 exhibitors, apat (4) na workshops, limang (5) webinars, limang (5) storytelling sessions, at limang (5) online activities para makapagbigay ng mga aral at kaalaman sa mga batang Imuseño. Naging bahagi rin ng mga aktibidad ang iba’t ibang mga paksa tungkol sa sining, agham, at kasaysayan.

Ang ilan sa mga nakilahok sa limang (5) araw na book and trade fair ay nakatanggap ng GCash load, gift vouchers, grocery packs, at Globe at Home Prepaid WiFi.

Kauna-unahang Young Influencers’ Forum

Sa pagtatapos ng selebrasyon ng Children’s Month, ginanap ang kauna-unahang Young Influencers’ Forum noong ika-4 ng Disyembre sa pakikipagtulungan sa Imus Youth Leadership Development Program at Abot-Kamay PH. Layon nito na maibahagi ang mga kaalaman at makapagbigay ng motibasyon at inspirasyon sa mga kabataang nagnanais na maging influencer.

Kasama si Mr. Marvin Olaes, isang Educational Tiktok Influencer at Propesor sa University of the Philippines Diliman, tinalakay nito ang Essentials of Effective and Responsible Social Media Influencing. Sa pamamagitan nito, matututunan ng mga kabataan ang mga pangunahing kaalaman sa impluwensya, kabilang na ang tips, strategies, dos and don’ts, at paraan kung paano maging isang mabuting ehemplo.

Nagkaroon din ng isang panel discussion pagdating sa usapin tungkol sa “How to Start with Youtube, Tiktok, Instagram, and Facebook?” na dinaluhan ng apat na influencers. Sinamahan si Mr. Marvin Olaes ng isa ring Tiktok Influencer at dancer na si Mr. Michael Angelo Pio, Motivational Blogger sa Facebook na si Mr. Val Patrick dela Rea, at si Ms. Czarina Beatrice Sampilo na isang Content Creator sa Instagram. Ibinahagi ng mga influencer ang kanilang mga karanasan kung paano sila nagsimula, hinaharap ang mga basher o hater, pressure sa regular na pag-upload ng contents, at payo kung paano magsisimula ang mga nagnanais na maging influencer.

Ang National Children’s Month ay ginugunita tuwing buwan ng Nobyembre ayon sa Republic Act No. 10661 taong 2014 bilang pagpapaalala ng kahalagahan ng mga bata sa bawat pamilyang Pilipino. Ito rin ay upang mahikayat ang mga kabataang Pilipino na makisali sa mga pambansang isyu at gampanan ang kanilang tungkulin sa murang edad pa lamang. Kaisa nito ang Pamahalaang Lungsod ng Imus sa makabuluhang pagdiriwang kada taon.