National Women’s Month Celebration 2022 sa Imus: “WE Make CHANGE Work for WOMEN – Agenda ng Kababaihan, Tungo sa Kaunlaran”

National Women’s Month Celebration 2022 sa Imus: “WE Make CHANGE Work for WOMEN – Agenda ng Kababaihan, Tungo sa Kaunlaran”

Lungsod ng Imus, nagbubuklod-buklod sa pagsulong ng kapakanan at karapatan ng bawat kababaihan!

Sa pangunguna ng Gender and Development Unit (GAD), nakiisa ang Pamahalaang Lungsod ng Imus sa pagdiriwang ng Pambansang Buwan ng mga Kababaihan o National Women’s Month ngayong Marso, tampok ang iba’t ibang mga programang pangkababaihan.

Ang taunang selebrasyon ay alinsunod sa Presidential Proclamation No. 227 ng 1988 kung saan itinalaga ang buwan ng Marso bilang Women’s Role in History Month. Sa temang “WE Make CHANGE Work for WOMEN: Agenda ng Kababaihan, Tungo sa Kaunlaran,” binigyang-pansin ang mga nakamit na tagumpay sa pagsulong ng mga karapatan ng bawat juana sa loob ng anim na taon, at ang mga maaaring solusyon sa mga suliraning pangkababaihan na pinatindi ng pandemya.

City Government Employees’ Women’s Forum

Bilang panimula sa mga serye ng mga programa, pinangunahan nina GAD Focal Person at Sangguniang Panlungsod Secretary Ms. Jem Yulo, at GAD Consultant at Chairperson of Women Involved in Nation Building (WIN) Ms. Corazon del Mundo ang ika-apat na City Government Employees’ Women’s Forum nitong ika-8 ng Marso na idinaos sa pamamagitan ng online platform sa ikalawang taon. 

Sentro ng talakayan ang pagbabahagi ng mga naging epekto sa pamumuhay ng mga kababaihan, bata man o matanda, ang nagdaang dalawang taon sa ilalim ng pandemya. Nagbigay ng isang presentasyon si Ms. Irma Revilla, Head ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) patungkol sa mga karanasan ng mga kababaihan mula nang magsimula ang COVID-19. Ayon sa kaniya, 922 kaso ng domestic violence on women ang naitala sa Imus para sa taong 2021, 30% ang itinaas mula sa 714 na kaso noong 2020. Hinimok ni Ms. Revilla ang mga kababaihan na huwag mag-dalawang isip na humingi ng tulong sa oras na makaranas ng kahit anong uri ng pang-aabuso sa kani-kanilang mga tahanan.

Kasama rin sa mga usapin ang physical at mental health ng mga juana. Tinalakay ni Dr. Ferdinand Mina ng City Health Office (CHO) ang estado ng physical health ng mga kababaihan kabilang na ang mga nagbubuntis, nanganganak, at maging ang mga nagpopositibo sa COVID-19 sa Imus. Binigyang pansin din ni Dr. Mina ang kaso ng teenage pregnancy na lubusang tinututukan ng pamahalaan. Naging panauhin din ang isang licensed psychologist at psychometrician na si Dr. Ma. Teresa Gustilo-Villasor tungkol sa mental health issues na pinasidhi ng pandemya, at ni Ms. Leah Tolentino, propesor ng Asian Social Institute, ang kahalagahan ng mindful breathing o ang paghinga para sa pahinga ng katawan at isip.

Pagdating sa usapin sa epekto ng COVID-19 sa pamumuhay ng mga kababaihan, ibinahagi ng managing partner ng Meivan Consulting, Inc. Ms. Delila Lojo ang mga sitwasyong pinagdaanan ng sektor mula sa edukasyon, kabuhayan, at pangangalaga sa mga nakatatanda. Inihayag naman ni Judge Hilda Mendoza-Cuartero, isang Presiding Judge ng Municipal Trial Court ng Lungsod ng Imus, kung paano nasubok ang katatagan niya nang tamaan ng COVID-19 ang kaniyang buong pamilya. Inilahad naman ni Ms. Corazon del Mundo ang iba’t iba pang mga pangkababaihang isyu at ang mga solusyon para rito.

Namahagi rin ng COVID-19 safety hygiene kit ang GAD Unit noong ika-15 ng Marso sa mga kababaihang empleyado ng Pamahalaang Lungsod para sa kanilang pang-araw-araw na pagsisilbi sa Lungsod ng Imus.

Zumba PESO Fest

Upang mahikayat ang mga kababaihan na mag-ehersisyo, nagdaos ang Public Employment Services Office (PESO) ng Zumba PESO Fest sa mga araw ng 4, 17, 18, 24, at 25 ng Marso sa Robinsons Level Four Parking Area at SM Center Activity Area. Nakibuklod naman si Mrs. Jelyn Maliksi, kabiyak ni Mayor Emmanuel Maliksi, sa Grand Zumba: Dance Your Way to Women’s Day – Year 3 activity noong ika-11 ng Marso sa City of Imus Grandstand.

Cookfest ni Erpats

Sa pagbabalik ng Cookfest ni Erpats kaisa ang City Tourism and Development Office (CTDO), hinarap ng apat na erpats o mga tatay ang hamon sa pagluluto ng mga pamanang yamang kaluto ng Imus bilang kaagapay ng mga nanay sa kusina. Pinatunayan ni erpat Ian Sison ang pagiging isang “Chef Justice” sa kaniyang putaheng Totsong Bangus. Ibinahagi naman ni “Champ Sarap” Rick Paredes ang sarili niyang bersiyon ng Adobong Malabanos sa Gata at Puso ng Saging. Sa lutong Sinalab na Bakule, nagpakitang-gilas rin si erpat Jomar Sarquilla. Samantala, ipinamalas naman ni “Chef Bigaten” Konsehal Mon Arguelles ang kaniyang Arrozcaldong Goto. At bilang Mutya ng Kusina, ibinahagi ni Mrs. Jelyn Maliksi ang isa sa mga ipinagmamalaking putahe ng mga Imuseño, ang Hilayang Sampalok.

Women’s Month Job Fair

Kabuklod ng mamamayan ang Pamahalaang Lungsod sa pagbangon mula sa mga pagsubok na dulot ng pandemya. Pinangunahan ng Public Employment Services Office (PESO) ang Women’s Month Job Fair noong ika-23 ng Marso, kung saan naging katuwang ang 15 kompanya para makahanap ng bagong trabaho ang mga mamamayang Imuseño at Caviteño.

A Forum in Empowering Women through Cooperative, Livelihood and Entrepreneurship

Pinangunahan ng City of Imus Cooperative, Livelihood and Entrepreneurial, and Enterprise Development Office (CICLEDO) ang usapin pagdating sa pagbibigay-lakas at suporta sa mga kababaihang negosyante at nais magnegosyo sa forum na Empowering Women through Cooperative, Livelihood and Entrepreneurship noong ika-24 ng Marso sa Brgy. Buhay na Tubig. Naging bahagi rin ng programa si Mrs. Jelyn Maliksi bilang founder at adviser ng Imus First Women Credit Cooperative at si Senador Risa Hontiveros na nagtalakay ng mga mandatong kaniyang isinusulong para sa kapakanan ng bawat juana.

Distribution of Buntis Kit

Kasabay ng pagdiriwang ng Buwan ng mga Kababaihan, namahagi ang Pamahalaang Lungsod ng humigit-kumulang na 900 Buntis Kits sa GAD focal persons ng bawat barangay noong ika-28 ng Marso. Ito ay upang matiyak ang malusog na pagdadalang-tao hanggang sa panganganak ng mga nagbubuntis na Imuseño. Sa bawat Buntis Kit, matatanggap ang bolster set, diaper, lampin, alcohol, baby wipes, baby oil, isang set ng baby clothing, at pre-natal health care pack na naglalaman ng mga bitamina at gatas.

Digital Literacy Training for Housewives

Para sa mas mainam na pangangalaga sa bawat pamilyang Pilipino, mahalaga na malinang ang kaalaman ng mga ina ng tahanan sa paggamit ng makabagong teknolohiya. Sa pangunguna ng Imus Public Library, matagumpay na naisagawa ang Digital Literacy Training for Housewives noong ika-29 at ika-30 ng Marso. Ibinahagi ng mga librarian ng Pamahalaang Lungsod sa 21 maybahay kung paano gamitin nang wasto ang ilan sa internet platforms na tulad ng Shopee, Lazada, Canva, at Facebook.

Naniniwala ang Pamahalaang Lungsod ng Imus sa higit na pagpapaigting ng mga programa at proyektong nagsusulong sa pantay-pantay na karapatan, proteksyon, at oportunidad ng mga kababaihan, kasama ang mga miyembro ng LGBTQA+, tungo sa tunay na kaunlaran.

Ang bawat isa, anuman ang kasarian, ay mahalagang kabuklod at bahagi ng bawat pamilyang Pilipino.