Nutrition Month 2021 Celebration: Malnutrisyon Patuloy na Labanan, First 1000 Days Tutukan!

Bilang pakikiisa ng Pamahalaang Lungsod sa ika-47 Nutrition Month na may temang “Malnutrisyon Patuloy na Labanan, First 1000 Days Tutukan!” inilunsad ng Local Council for the Protection of Children (LCPC), City Health Office (CHO), City Nutrition Council at City Social Welfare and Development Office (CSWDO) ang mga programang nakasentro sa unang isang libong araw ng buhay.

Tampok sa mga programa ang Mommies’ Forum at ang ikalawang taon ng KusiNanay Cooking Competition noong ika-26 ng Hulyo.

Ginugunita ang Nutrition Month tuwing buwan ng Hulyo alinsunod sa Presidential Decree No. 491 taong 1947 na naglalayong maitaas ang kahalagahan ng nutrisyon sa pagkain ng mamamayan. Ngayong taon, nais ng National Nutrition Council (NCC) na bigyang pansin ng mga magulang ang kahalagahan ng unang isang libong araw na nagsisimula sa pagbubuntis hanggang sa ikalawang taon ng mga bata upang maiwasan ang malnutrisyon.

Mommies’ Forum

Layunin ng Mommies’ Forum na magabayan ang mga nanay, maging ang mga tatay at ang publiko patungo sa malusog na pangangatawan ng mga sanggol. Tinalakay ni Dr. Mary Del Agarin-Bathan, Medical Specialist ng Ospital ng Imus, ang healthy pregnancy o malusog na pagbubuntis. Dito, binigyang halaga ang tamang pagkain, sa pamamagitan ng pagsunod sa pinggang pinoy, at ang pagkakaroon ng mga importanteng bitamina tulad ng folic acid at iron.

Nagpaalala rin si Dr. Agarin-Bathan ng inirerekomendang bilang ng konsultasyon sa pagbubuntis at ang mga dapat sundin ng mga nanay upang mas mapangalagaan ang kanilang sarili.

Pagdating sa Practical Tips and Mommy’s Breastfeeding Journey, ibinahagi ng Breastfeeding Peer Counselor at Founder ng South PiNanays na si Ms. Marie Paz Regina Peña-Atienza ang kaniyang pinagdaanan bilang isang nanay sa kanyang limang anak.

Kabilang na rito ang tamang pamamaraan ng pagpapasuso mula sa pagdadalang-tao hanggang maipanganak ang sanggol. Dagdag pa niya, ang exclusive breastfeeding o ang tanging pagbibigay ng gatas ng ina sa sanggol ay posible kung may mga taong handang umalalay rito.

Bahagi rin ng aktibidad ang complementary feeding o ang karagdagang pagpapakain sa mga sanggol pagsapit ng ika-anim na buwan.

Tinalakay ni Provincial Nutrition Coordinator Ma. Jhonnadelle Rtiz Castillo ng NCC CALABARZON ang iba’t ibang uri ng mga pagkaing maaaring lutuin at ang proseso nito upang mas maging ligtas ang pagpapakilala ng mga solidong pagkain sa mga sanggol.

Ibinahagi rin niya ang kahalagahan ng masustansyang pagpapakain sa unang isang libong araw. Ito ay upang makaiwas ang mga bata sa kakulangan sa nutrisyon na karaniwang nararanasan dahil hindi ito napagtutuunan ng pansin.

Sa pagtatapos ng programa, tatlong (3) masuswerteng kalahok ang nakatanggap ng Php 100 halaga ng GCash load, dalawa (2) naman ang nakakuha ng Php 200 at isa (1) ang nagwagi ng Php 500.

KusiNanay Cooking Competition Year 2

Upang matiyak na naihahanda ang mga masustansya, masarap, at murang pagkain sa mga bata, ibinahagi ng siyam (9) na nanay mula sa iba’t ibang cluster ang kanilang mga natatanging putahe sa ikalawang taon ng KusiNanay Cooking Competition.

Tinanghal na KusiNanay ng Taon si Ma. Elena Juarez ng Cluster 4 sa kaniyang Special Chopsuey, na pinarangalan din bilang People’s Taste Awardee matapos makakuha ng pinakamaraming Facebook page reaction.

Kinilala rin ang Creamy Sipo Egg ni Jennifer Ruadil ng Cluster 3 bilang second place. Iginawad naman ang third place sa dalawang kalahok na sina Jocelyn Nielo ng Cluster 9 para sa kaniyang Chicken Kare Kare, at Janet Ersando ng Cluster 7 para sa kanyang Mixed Veggies con Seafoods.

Ang bawat pagkaing inihanda ay dumaan sa masusing pagsusuri ng mga hurado na sina Chef Aron Paul Parcon, President Irma Corpuz ng New Imus Public Market Merchants Association Incorporated (NIPMMAI), at Child Representatives Czarina Beatrice at Kenneth Carl Mabingnay.

Hinihikayat ng Pamahaalang Lungsod ang mga magulang na maglaan ng mga pagkaing busog sa sustansya para sa kanilang mga anak.

Sa datos ng mga batang nasa limang taong gulang pababa, 5.6% rito ay wasted o mga batang nasa tama ang laki ngunit labis ang kapayatan; kabilang din sa 5.6% ang mga batang maituturing na obese o labis na mabigat kaysa sa itinakdang timbang; nakapagtala naman ng pinakamataas na porsyento, 30.3%, ang stunting o hindi paglaki ng mga bata ayon sa kanilang edad.

Sa kabuuan, 25% ng mga Pilipino ang nagugutom habang 53.9% ang nagsasabing kulang ang kanilang pang araw-araw na pagkain.

Sa panahon ng krisis pangkalusugan, mahalaga na mabigyan ng sapat na sustansya ang pagkain ng mga bata para masiguro ang malusog nilang pangangatawan at malabanan ang malnutrisyon at iba’t ibang sakit.