OctoberPetstival Year 8: Bida ang mga Alagang Aso At Pusa sa Imus

Sa ika-walong (8) taon ng OctoberPETStival, muling ipinamalas ng mga alagang hayop ang kanilang galing at talento, kasama ang kanilang mga fur parent, na isinagawa online sa pangalawang pagkakataon.

Pinangunahan ng City Veterinary Services Office, City Tourism Development Office, at partner institutions ang iba’t ibang mga patimpalak gaya ng Pet Talk, Pet Idol, Mr. & Ms. Furthogenic, at ang Jingle Making Contest.

Bahagi ng tamang pag-aaruga sa mga alagang hayop ang pagkakaroon ng sapat na kaalaman ng mga fur parent pagdating sa maayos na pangangatawan at tamang pagtuturo.

Sa unang bahagi ng Pet Talk, tinalakay nina Dr. Mary Ann Mirasol ng Pet Family Animal Clinic (PFAC) at ni City Veterinarian Dr. Mabelle Depayso ang mga kinakailangang kagamitan sa first aid kit, pet-friendly over-the-counter medications, mga nararapat gawin sa emergency cases, at mga bakuna tungo sa malakas na pangangatawan ng mga alagang aso at pusa.

Nagbahagi naman si Board Member Jeff Asistio tungkol sa pagiging responsible pet owner sa kaniyang aso na si Lunox. Para kay BM Asistio, mahalaga na itinuturing bilang miyembro ng pamilya ang mga alagang hayop at punan ang mga pangangailangan ng mga ito.

Isa sa mga nararapat na matutunan ng fur parents ay ang mapasunod ang kanilang mga alagang aso. Kasama si Psgt. Migio Ubaldo at ang police service dog na si Gambit, itinuro ang Basic Command and Handling of Pets. Nagpakitang gilas si Gambit sa pagsunod nito sa mga command na sit, stay, at paghahanap ng explosives. Ayon kay Psgt. Ubaldo, ang pinakamabisang paraan upang mapasunod ang mga aso ay ang food reward o ang pagbibigay ng pagkain.

Sa ikalawang bahagi naman ng Pet Talk, pinalawig pa nina, Dr. Melbourne Talatac, Vice President ng Research and Extension College of Veterinary Medicine and Biomedical Services ng Cavite State University, at Dr. Depayso ang Animal Health and Welfare sa pamamagitan ng pagsagot ng mga katanungan ng fur parents pagdating sa mga problema at pangamba ng mga ito sa pag-aalaga ng kanilang mga aso at pusa. Kabilang din sa tinalakay ang usapin sa Furtastic Ways to Keep Your Pets Clean. Kaisa si Mr. Paul Sabes ng Madee’s Pet Supplies and Grooming Services sa nagpaliwanag kung paano mapapanatiling malinis ang katawan ng mga alagang hayop.

Dinaluhan din nina Mayor Emmanuel L. Maliksi at ng kaniyang maybahay na si Ms. Jelyn Maliksi ang programa bilang pagbibigay suporta sa mga aktibidad. Nagbahagi rin ang mga ito ng kanilang mga personal na karanasan sa pag-aalaga ng hayop.

Pinarangalan din ang mga nagwagi sa upgraded version ng Mr. and Ms. Furthogenic. Sa ikalawang taon nito, naging kalahok din ang mga fur parent na kinakailangan ay ka-look alike ng kanilang mga alagang hayop. Hinirang sina Miku at fur parent Keisha Cortez at Nyebe kasama si fur parent Jovie Bautista bilang grand winners. Nakatanggap din ng consolation prizes ang anim (6) na mga kalahok mula sa 137 entries.

Tampok naman sa Pet Idol ang anim (6) na mga talentadong alagang hayop nina Marian Aleia Gonzales, Angela Ysabel, Des Singson, Rhap Rhap, Almarie Gonzales, Rica Soriaga, Jennilyn Unidad, at Katrina Salem Lardizabal.

Nagpakitang gilas din si Mr. Rico Jay del Rosario matapos tanghalin ang kaniyang komposisyon bilang Best Jingle sa Jingle Making Contest. Nakatanggap din ng mga papremyo ang limang (5) consolation winners ng paligsahan.

Ang 26 na mga nakisaya sa e-OctoberPETStival ay nag-uwi rin ng cash prize at giveaways mula sa mga partner institution ngayong taon.

Patuloy ang Pamahalaang Lungsod sa pangunguna nina Mayor Emmanuel L. Maliksi at Vice Mayor Ony Cantimbuhan, kaisa ang City Veterinary Services Offices, sa pagbibigay serbisyo sa mga alagang aso at pusa. Sa pahayag ni Mayor Maliksi, pinakiusapan nito na maging responsableng pet owners ang mamamayan. Naniniwala naman si Ms. Jelyn Maliksi na maisasakatuparan ang adbokasiya ng City Veterinary tungo sa pagiging pet-friendly city kung magkakaisa ang bawat isa.