Omicron Variant: Mga Mahahalagang Impormasyon sa Bagong Variant ng Covid-19

Ano ang Omicron Variant?

  • Unang natuklasan ng South Africa noong ika-24 ng Nobyembre 2021, agad itong pinangalanan bilang variant of concern noong ika-26 ng Nobyembre 2021 dahil sa napakabilis na pagtaas ng kaso sa naturang bansa. Noong ika-15 ng Disyembre 2021 naman naitala ang dalawang (2) unang kumpirmadong kaso sa Pilipinas. Pinaniniwalaan din ng mga eksperto na ang pagbulusok ng mga bagong kumpirmadong kaso sa bansa ay sanhi ng Omicron.
  • Mayroong 50 mutations o pagbabago ang Omicron kung saan 30 rito ang nasa spike protein o ang bahagi ng Covid-19 na siyang dumidikit sa loob ng katawan ng tao.
  • Mas mabilis itong kumalat kaysa sa Delta na mayroong 13 mutations o pagbabago, ngunit pinaniniwalaang mas banayad ang epekto nito sa mga kumpleto o updated ang bakuna at sa mga tinamaan ng Covid-19. Hindi rin nangangahulugan na ang banayad na epekto nito ay magkakatulad sa bawat indibidwal.

Bakit nagkakaroon ng variants o mutations?

  • Ang isang variant ay nabubuo kapag mas maraming tao ang napapasahan ng virus. Habang nagtatagal ang pamamalagi ng virus sa katawan ng isang tao, nagbabago ang genetic component o nagkakaroon ng pagbabago sa virus bago ito maipasa sa ibang tao. Mas marami ang nahahawa, mas mataas ang tsansa na magkaroon ng bagong variant.

Ano ang mga sintomas ng Omicron?

  • Ang mga pangkaraniwang sintomas ay ubo, runny nose o congestion dala ng sipon, sore throat o pananakit ng lalamunan, pananakit ng ulo, at pagkapagod.
  • Agarang lumalabas ang sintomas ng Omicron sa loob ng isang linggo, tatlong araw, o mababa pa.
  • Ayon sa pitong pag-aaral, hindi umaabot ang impeksyon ng Omicron sa baga na pangkaraniwang naaapektuhan sa mga orihinal na strain at mga nakaraang variant. Dahil ito sa mas mababang lung cell infectivity, lung organ viral load at inflammation.

Ano ang dapat gawin upang makaiwas sa Omicron?

  • Protektahan ang iyong sarili sa pamamagitan ng pagsusuot ng face mask na hapit o sakto sa mukha; mag-physical distancing at umiwas sa mataong lugar; hangga’t maaari ay umiwas sa mga lugar na hindi maayos ang daloy ng hangin o siguraduhin na nakabukas ang mga bintana para sa maayos na daloy ng hangin; at palagiang maghugas ng kamay.
  • Higit sa lahat, kumpletuhin at maging updated sa bakuna. Napatunayan na ng mga pag-aaral na ligtas at epektibo ang Covid-19 vaccine upang maprotektahan ang sarili sa malalang epekto ng virus.

Bakit inirerekomenda ang N95 na mask?

  • Ang medical-grade surgical masks gaya ng N95 ay nagdudulot ng mas mataas na proteksyon laban sa Omicron lalo na kung maayos ang pagsusuot nito. Mahalaga rin na sarado ang lahat ng panig ng mask. Pinapayuhan ang publiko na doblehin ang face mask kung regular surgical mask, KN95, o KF94 lamang ang suot. Ngunit mainam pa rin ang pagsusuot ng kahit anong face mask bilang proteksyon kaysa wala nito.

Patuloy pa rin ang mga pag-aaral na ginagawa ng mga eksperto sa Omicron variant at marami pang mga impormasyon ang kinakailangang malaman. Isa lamang ang tiyak sa kasalukuyan: nakakatulong pa rin ang bakuna upang maiwasan ang malubhang epekto ng Omicron.

Add Comment